^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Pangalanan, opisyal na protector ng POGOs

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Pangalanan, opisyal na protector ng POGOs

Matagal nang niyayanig ng masasamang isyu ang bansa dahil sa operasyon ng mga illegal Philippine Offshore Ga­ming Operators (POGOs) pero ngayon lang nagsalita ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) na may isang dating Cabinet secretary na nagpuprotekta rito. Ang dating Cabinet secretary raw ang namamagitan para mabig­yan ng lisensiya ang POGOs kahit pa may masamang background. Hindi naman binanggit ng Pagcor ang pa­ngalan ng dating Cabinet officials at mga kasabwat nito para mabigyan ng lisensiya ang illegal POGOs.

Sabi ni Pagcor Chairman at Chief Executive Officer Alejandro Tengco, nararapat daw imbestigahan ang tinutukoy niyang dating Cabinet official at mga kasab­wat nito. Hinihikayat niya ang awtoridad sa agarang pag-iimbestiga para malaman ang katotohanan. Nakatakda namang ipatawag ng Senado si Tengco sa susunod na hearing ng Senado sa susunod na linggo.

Isiniwalat din ni Tengco kung paano nabigyan ng lisensiya ang 298 POGOs samantalang 43 lamang ang may valid na lisensiya. Sinabi pa ng Pagcor chief na ang tungkulin ng kanyang ahensiya ay masiguro na nakakapag-operate ang lahat nang uri ng gambling at gaming activities na may kaukulang lisensiya. Nag­tataka siya kung paano nabigyan ng lisensiya ang 298 POGOs.

Sana noon pa sinabi ni Tengco ang mga nalalaman niya para nahubaran na ang dating Cabinet official na sinasabi niya. Hindi na sana dumami pa ang mga problemang hatid ng POGOs.

Kung hindi pa sinalakay ang POGOs sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga ay hindi mabubulgar ang lawak ng illegal gaming operation. Dahil sa dami ng illegal POGOs, marami ring krimen ang nagaganap sa bansa. Naging talamak ang investment scam, crypto­currency scam at kung anu-ano pang scam. Naging talamak din ang human trafficking, kidnapping at pros­titution.

Pinaniniwalaan din na ang illegal POGOs ang gina­gamit para makapasok sa bansa ang mga espiya ng China. Sa isinagawang raid sa Porac, maraming uniporme ng Peoples Liberation Army ng China ang nakumpiska. Isang palatandaan na may mga nakapasok na ngang espiya sa bansa at banta na sa seguridad.

Ang pagkatao ng suspendidong mayor ng Bamban na si Alice Guo ay unti-unti nang nahahalukay at lumalabas na hindi siya Pilipino batay sa fingerprints niya at ng Chinese national na si Guo Hua Ping. Ayon sa NBI, pareho ang fingerprints ni Guo at Guo Hua Ping.

Ngayong sinabi ng Pagcor na isang dating opis­yal ang protector ng illegal POGOs, dapat magkaroon nang malalimang imbestigasyon. Pangalanan na rin ng Pagcor ang opisyal para naman hindi nanghu­hula ang taumbayan.

vuukle comment

PAGCOR

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with