^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Paghahanda sa El Niño, seryosohin

Pilipino Star Ngayon

NAGING usap-usapan ang payo ni President Ferdinand Marcos Jr. na maghanda ng mga balde at mag-ipon ng tubig-ulan bilang paghahanda sa El Niño. Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), tatama ang El Niño sa huling bahagi ng 2026 at tatagal hanggang unang bahagi ng 2027.

Nilinaw naman ng Malacañang na bahagi lamang ito ng mas malawak na plano ng gobyerno para sa water supply, food security at energy.

Walang masama sa pag-iipon ng tubig.

Sa panahon ng tagtuyot, bawat patak ay mahalaga. May mga teknolohiya rin ang Department of Science and Technology (DOST) para sa rainwater harvesting at water treatment.

Ngunit kailangan ding tandaan na hindi awtomatikong ligtas inumin ang tubig-ulan; dapat maayos ang pagkolekta at paggamot nito bago gamitin bilang drinking water.

Pero hindi dapat dito natatapos ang paghahanda sa kahaharaping El Niño.

Ang mas malaking tanong ay kung handa ba ang ating water system kapag tumagal ang matinding tagtuyot.

Nagbabala ang PAGASA na kapag nagpatuloy ang pananalasa nang malakas na El Niño sa 2027, maaring bawasan ang water allocation para sa Metro Manila bilang paghahanda sa posibleng kakulangan.

Ang Metro Manila ay umaasa sa tubig sa mga dam na nasa Central Luzon particular na sa Angat Dam sa Bulacan. Halos 80 percent ng tubig para sa mga residente sa Metro Manila ay nagmumula sa Angat.

Hindi sapat na ipaubaya sa bawat pamilya ang pag-iipon ng sariling tubig. Kailangan ng gobyerno ng mas pangmatagalang solusyon: mas maraming water storage facilities, maayos na distribution system, proteksiyon sa watersheds, mas matibay na irrigation at malinaw na plano kung saan kukuha ng tubig kapag humina ang supply.

Isa ring problema ang watak-watak na pamamahala sa tubig. Mahigit 30 ahensiya at tanggapan ang may kanya-kanyang responsibilidad sa water management, na maaaring magdulot ng overlap at delay.

Ang El Niño ay hindi biglaang krisis tulad ng lindol o bagyo. Matagal nang may babala tungkol dito at may panahon ang gobyerno para paghandaan ang epekto nito.

Nararapat na magkaroon nang plantsadong plano ang gobyerno para sa pananalasa ng El Niño na ngayon ay unti-unti nang nararamdaman.

PAGASA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with