Mga granada narekober sa basurahan
MANILA, Philippines — Narekober ng mga awtoridad ang iba’t ibang materyales na pampasabog sa isang basurahan sa Brgy. West Crame, San Juan City kahapon ng umaga.
Ayon kay San Juan City Police Chief PCol. Anthony Gantang, kabilang sa mga narekober ang mga training grenade, dummy rifle grenade, at mga basyo ng bala. Nilinaw ni Gantang na wala nang pulbura ang mga ito kaya hindi nagdulot ng agarang banta sa kaligtasan.
Nadiskubre ang mga pampasabog ng isang nangangalakal sa residential area at 300 hanggang 400 metro lamang ang layo mula sa Philippine National Police (PNP) Headquarters sa Camp Crame.
Agad na ini-report sa barangay at pulisya ang pagkakatuklas. Nasa kustodiya na ng San Juan Explosive Ordnance Disposal (EOD) unit ang mga pampasabog.
Sinusuri na ng mga awtoridad ang mga kuha ng CCTV upang matukoy kung sino ang nagtapon ng mga ito. Ayon kay Gantang, bagama’t hindi mapanganib, maaari pa ring magdulot ng takot sa publiko ang ganitong insidente.
- Latest























