3 tiklo sa ‘palit-item parcel robbery scheme’

MANILA, Philippines — Arestado ang tatlong lalaki na umano’y sangkot sa ”palit-item parcel robbery scheme” sa isinagawang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Valenzuela City.
Ayon kay National Bureau of Investigation–Cybercrime Division (NBI-CCD) Chief Efren Abantao, nadakip ang mga suspek noong Setyembre 25, 2026, sa loob ng isang sasakyan malapit sa warehouse ng isang shipping company. Narekober sa sasakyan ang mga parcel at kagamitang ginagamit umano sa pagpapalit ng laman ng mga package.
Sa imbestigasyon, ino-order umano ng mga suspek ang mga mamahaling gadget sa online shops sa pamamagitan ng cash on delivery (COD). Sa halip na sa address na nakasaad sa waybill ihatid ang parcel, inuutusan nila ang delivery rider na dalhin ito sa kanilang sasakyan, kung saan pinapalitan ang gadget ng mga tissue o baby wipes.
Pagkatapos, inuutusan umano ng mga suspek ang rider na ibalik ang parcel sa seller at markahan itong “Return to Seller” (RTS), saka kinakansela ang order.
Sinabi ni Abantao na patuloy ang imbestigasyon ng NBI-CCD matapos makatanggap ng iba pang reklamo hinggil sa kaparehong modus.
Nahaharap ang tatlong suspek sa kasong robbery sa ilalim ng Article 293 ng Revised Penal Code, kaugnay ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012. Patuloy ring tinutugis ng mga awtoridad ang iba pang posibleng kasabwat sa naturang operasyon.
- Latest



















