Enforcer o content creator?
Tama ang pagsita sa gurong nagmomotorsiklo nang walang helmet. Walang exempted sa batas-trapiko. Ang lumabag ay sitahin, tiketan at multahan. Ngunit ibang usapan kapag ang apprehension ay ginawang content. Ang tiket ang parusa; hindi public humiliation.
Ito ang sentro ng kontrobersiyang kinasangkutan ni MMDA SOG Commander Gabriel Go. Sa video, nakipagtulungan ang motorista, humingi ng paumanhin at nakiusap na huwag siyang i-video. Hindi niya hiniling na palampasin ang paglabag. Ang hiningi lamang niya ay respeto.
Ngunit ipinagpatuloy ang pagkuha dahil blurred naman daw ang mukha. Doon naging usapin ang pagpipigil, propesyonalismo at paggamit ng kapangyarihan. Dahil sa public outcry, suspendido si Go sa clearing operations habang iniimbestigahan. Hindi pa ito dismissal, ngunit sa isang iglap, nawala ang kapangyarihang ipinapakita niya sa kalsada.
Babala ito sa mga public official na umaabuso sa awtoridad. Ang posisyon, uniporme at command ay hindi permanenteng proteksiyon. Kapag nakita ng publiko ang pagmamataas, ang video na ginawa para magpakitang-gilas ay maaaring maging ebidensiya ng sariling pagkakamali. Huwag nang i-spin, Mr. Go; malinaw ang nakita ng netizens.
Traffic violation ang ginawa ng guro. Maaari mo siyang tiketan, multahan at paalalahanan. Ngunit hindi kasama sa mandato ang gawing content ang kaniyang kahihiyan. Ang public office ay public trust, hindi branding opportunity. Ang kalsada ay hindi studio, ang uniporme ay hindi costume, at ang mamamayan ay hindi prop.
Dapat siyasatin ng MMDA kung monetized ang kaniyang accounts at kung kumikita siya mula sa videos habang nakauniporme at nasa operations. Kung mayroon, naideklara ba sa BIR ang kita at rehistrado ba ang content-creation activity? Hindi ito paratang, kundi lehitimong tanong sa accountability, conflict of interest at private gain.
Para sa akin, ito ang punto ng kolum: hindi pagtatanggol sa lumabag, kundi pagtatanggol sa dignidad ng mamamayan laban sa abusadong pagpapatupad. Pag-isipan ng MMDA kung bagay pa kay Go ang command position. Kung camera at engagement ang inuuna, baka content creator ang mas angkop. ONPOINT: Sa isang iglap, nawawala ang kapangyarihang inaabuso.
- Latest




















