EDITORYAL - Ang ‘hiwaga’ ng P50-M cauldron
SA gitna ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, muling nabuhay ang lumang kontrobersiya sa 2019 Southeast Asian Games. Naging usap-usapan ang pahayag ni NBI Director Melvin Matibag na sisilipin ng ahensiya ang umano’y iregularidad sa bidding at pondo ng mga proyektong ginamit noon, kabilang ang sports facilities sa New Clark City at ang P50-million cauldron.
Kinuwestiyon ito nina Senators Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, at Robin Padilla. Para sa kanila, kahina-hinala ang timing dahil kasabay ito ng impeachment trial, kung saan sila nakaupo bilang senator-judges. May punto ang kanilang pangamba. Ang impeachment court ay dapat malaya at hindi dapat maimpluwensiyahan ng pressure mula sa ibang isyu. Hindi dapat gamitin ang batas bilang panggigipit sa pulitika.
Pero hindi rin dapat gamiting panangga ang “timing” para takasan ang mga tanong tungkol sa public funds.
Matagal nang may tanong sa ilang proyekto ng 2019 SEA Games. Naging kontrobersyal noon ang P50-million cauldron dahil sa laki ng halaga nito. Para sa mga nagtanggol dito, obra ito ng National Artist na si Francisco “Bobby” Mañosa at simbolo ng pag-asa para sa mga atleta. Iginiit din ni Cayetano na pribadong sektor, hindi gobyerno, ang gumastos dito.
Kung ganoon, mas mabuti. Pero dapat madali rin itong patunayan. Sa usapin ng malaking halaga, hindi sapat ang paliwanag sa press conference. Kailangang makita ang dokumento, kontrata, resibo, donor records, liquidation report, at audit trail.
Mas malaki pa sa cauldron ang tanong sa New Clark City sports facilities. May ulat noon na kinuwestiyon ang kasunduan ng BCDA at Malaysian firm na MTD Capital Berhad. Ang isyu: joint venture ba talaga ito, o build-transfer deal na dapat dumaan sa public bidding? May nabanggit ding P9.5-billion payment at reklamong isinampa sa Ombudsman kaugnay ng umano’y graft at malversation.
Alegasyon pa lamang ang mga ito. May karapatan ang mga dating opisyal at kumpanya na magpaliwanag. Pero may karapatan din ang publiko na magtanong: ano na ang nangyari sa kasong ito? Nasaan ang audit? Nasaan ang malinaw na resulta?
Kung seryoso ang pangako ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na walang “sacred cows,” dapat itong masubok. Hindi dapat maging palabas ang imbestigasyon.
Timing man o hindi, kailangang sagutin ang tanong: saan napunta ang pera, nasunod ba ang batas? Public funds ang nakataya rito. Nararapat lamang itong maibalik sa tunay na may-ari—ang taumbayan.
- Latest















