Flying Titans ‘di manalo sa Chargers

MANILA, Philippines — Humataw si Eli Soyud ng 24 points mula sa 20 attacks, dalawang blocks at dalawang service ace para igiya ang Akari sa 24-26, 21-25, 25-15, 25-18, 15-11 pagresbak sa Choco Mucho sa Game One at makadikit sa bronze medal ng 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nag-ambag si Ivy Lacsina ng 20 markers habang may 15 points si Grethcel Soltones para sa 1-0 lead ng Chargers sa kanilang best-of-three series ng Flying Titans.
May 29 excellent digs si libero Justine Jazareno para sa tropa ni Japanese coach Taka Minowa na maaari nang angkinin ang bronze sa Game Two bukas sa Big Dome.
“Nu’ng down kami ng dalawang sets, hindi po kami ganoon ka-frustrated. Nasa mindset po namin na no room po for frustration today,” ani Lacsina sa 0-2 agwat ng Akari sa Choco Mucho na nakahugot kay Royse Tubino ng 19 points kasunod ang 18 markers ni Sisi Rondina.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Chargers sa Flying Titans na kanilang tinakasan via five-set win sa pagsisimula ng semifinals.
Kinuha ng Choco Mucho ang first at second set para sa posibleng straight-set victory kundi lamang bumida sina Soyud, Lacsina at Soltones para agawin ang third frame, 25-15.
Pumuwersa ang Chargers ng fifth set matapos sikwatin ang 25-18 panalo sa Flying Titans sa fourth frame tampok ang hataw ni Steph Bustrillo.
Sa fifth set ay kinuha ng Akari ang 14-10 match point bago nakahirit si Rondina para sa 11-14 agwat ng Choco Mucho.
Ang drop shot ni Soltones laban sa depensa nina Tubino, rookie Lorraine Pecaña at Cherry Nunag ang sumelyo sa panalo ng Chargers.
Ito ang ikaapat na sunod na kabiguan ng Flying Titans ni coach Dante Alinsunurin kasama ang 0-3 record sa semis.
Nauna na silang nagposte ng isang nine-game winning streak sa preliminaries hanggang sa quarterfinals kung saan nila winalis ang PLDT, 2-0, sa best-of-three showdown.
- Latest