Mayang (127)
HINTAKOT na napatakbo sa kuwarto si Mayang para tingnan ang anak na si Jeffmari. Bigla siyang kinabahan makaraang itanong ni Lolo Nado kung nasaan ang bata.
Dali-daling binuksan ni Mayang ang pinto at nagulat siya na gumagawa ng assignment si Jeffmari. Subsob na subsob ito sa pagsusulat.
“Bakit Mommy?”
“Ha? A e wala!”
“Parang takot na takot ka Mommy.”
“Hindi.”
“Sinabi na po ba ni Daddy kung kailan siya uuwi?’’
“Malapit na raw.’’
“Sana bukas narito na siya Mommy.’’
“Magdasal ka, anak.’’
“Opo.’’
Lalabas na sana si Mayang nang mapansin na bukas ang bintana ng kuwarto ni Jeffmari. Isinara niya iyon.
“Huwag mong bubuksan ang bintana, Anak.”
“Opo Mommy.’’
Lumabas na si Mayang.
Makaraan ang isang oras, tumawag kay Mam Araceli si Col. Allen Buenviaje.
Sinabi ng colonel na natukoy na nila ang pinagtataguan ng mga puganteng sina Henry at Puri. Nagsasagawa na umano sila nang plano para sa pagsalakay. Maraming tauhan sina Henry at pawang armado. Pinag-iingat nito sina Mam Araceli at Mayang.
“Sana mahuli na ang dalawa, Mam Araceli.’’
“Gagawin daw nila ang lahat. Mag-ingat daw tayo at maging alerto.”
Sabi ni Lolo Nado, nakahanda na siya kung papasukin sila sa bahay.
Nang mag-aalas dose ng hatinggabi, nakarinig sila ng mga yabag sa kalsada. Mabilis na sumilip si Mayang.
Mga anino ng taong paparating ang nakita niya!
“May mga taong paparating, Mam Araceli, Lolo Nado!” sabi niya.
Naghanda sila sa mga mangyayari.
(Itutuloy)
- Latest