Bigla na lang tinanggal
Dear Attorney,
Tinanggal po ako bago matapos ang aking probationary period pero hindi po ako binigyan ng kahit anong notice ukol sa aking termination. Probationary employee pa lang po ako at wala pang anim na buwan sa trabaho. —Demi
Dear Demi,
Hindi mo binanggit kung ano ang dahilan ng employer para ikaw ay tanggalin. Ang mga probationary employees na katulad mo kasi ay maaring tanggalin sa trabaho ng kanilang employer dahil sa mga (1) “just causes” na nakasaad sa Labor Code o (2) kung sakaling hindi nila maabot ang mga standards na itinakda at ipinaliwanag sa kanila noong sila’y i-hire upang sila ay maging regular na empleyado.
Ayon sa Implementing Rules ng Labor Code, ibang proseso ang sinusunod sa pagtatanggal ng isang probationary employee kung ang pagkakatanggal sa kanya ay dahil hindi siya pumasa sa evaluation.
Isang notice lang kasi ang kailangang maibigay sa isang probationary employee na hindi pumasa sa evaluation.
Ibig sabihin nito ay hindi na kailangan magdaos ng hearing para sa ginawang pagtatanggal ng isang empleyadong hindi nakapasa sa evaluation. Kailangan lang na mabigyan ng written notice ang empleyado ukol dito bago ang matapos ang probationary period.
Kung ang pagkakatanggal naman sa probationary employee ay dahil sa tinatawag na “just cause”, kailangan siyang mabigyan ng dalawang notice katulad ng isang regular na empleyado.
Base sa mga nabanggit, kailangan ay binigyan ka ng kahit ng isang notice man lang bago ikaw ay tinanggal sa trabaho, ano pa man ang dahilan nito.
Maaring maharap ang employer sa isang labor complaint at pagbayarin ng danyos kung matuklasan na hindi sila sumunod sa tamang proseso at nilabag nila ang karapatan ng empleyado sa tinatawag na “due process”, kahit pa mapatunayan nilang may sapat silang dahilan para tanggalin ito.
- Latest