Mayang (134)
“KAYA nagdesisyon na si Colonel Buenviaje na ipaasinta sa SWAT ang dalawa. Nasa panganib ang buhay natin,’’ sabi ni Mam Araceli.
“Kaya po pala hindi na ako nagawang barilin ni Henry dahil binaril na siya ng SWAT?’’
“Oo, mula sa labas sila binaril. Naglagos sa bintana ang bala!’’
“Mabuti po at walang tinamaan sa atin, Man.”
“Sinigurado nila na walang madadamay.’’
“Nasaan na po sina Colonel, Mam?’’
“Nasa labas pa at sinisigurong nahuli lahat ang mga tauhan ni Henry at Puri. May hinahabol pa yatang dalawa na nagtatakbo sa may palengke.’’
“Salamat naman at nahuli na rin ang mga kasama nila,’’ sabi ni Mayang.
“Kanina bago namatay si Puri ay humingi ng tawad sa’yo, Mayang.’’
“Opo. Binawi ang sinabi ukol kay Jeff. Hindi raw totoo na siya ang totoong minahal ni Jeff.’’
“Bakit naman niya naisip iyon? Pati si Jeff na walang kamalay-malay ay idinawit niya. Mabuti at bago siya nalagutan ng hininga ay binawi ang kasinungalingan. Kung hindi ay pagdududahan mo si Jeff—pag-iisipan mo ng masama.”
“A, hindi po. Malaki po ang tiwala ko kay Jeff. Alam kong hindi yun magagawa ni Jeff. Alam kong iisang babae ang mahal niya—ako lang.’’
Napangiti si Mam Araceli.
Makalipas ang isang oras, dumating ang SOCO at sinuri ang bangkay nina Henry at Puri.
Pagkatapos ay inilabas na ang mga bangkay.
Nakahinga nang maluwag sina Mayang at Mam Araceli.
Kinausap sila ni Col. Buenviaje ukol sa mga napatay na criminal.
“Matatahimik na kayo Mayang. Wala na ang mga nagtatangka sa inyong buhay ni Jeff,’’ sabi ni Colonel.
“Opo Colonel. Salamat po.’’
“Siyanga pala, nasan si Jeff?’’
“Nasa New Zealand po. Malapit na pong umuwi.’’
“A mabuti naman. Sige aalis na kami.”
Nagpaalam si Colonel kay Mam Araceli.
KINABUKASAN, maagang-maaga ay may tumawag mula sa gate.
Nagulantang si Mayang na sinilip kung sino ang tumatawag.
(Itutuloy)
- Latest