68,448 PDLs, boboto sa midterm polls – Comelec
MANILA, Philippines — Umaabot sa kabuuang 68,448 persons deprived of liberty (PDLs) ang pinahintulutan ng Commission on Elections (Comelec) na makaboto sa National and Local Elections (NLE) sa Mayo 2025.
Ayon kay Comelec Commissioner Aimee Ferolino, sa naturang bilang, 993 bilanggo lamang ang eeskortan sa labas upang bumoto sa kani-kanilang polling precincts. Karamihan naman aniya sa PDLs ay boboto sa mismong pasilidad kung saan sila nakapiit.
Samantala, niliwanag ni Comelec chairperson George Erwin Garcia na ang PDLs ay pinahihintulutan ng Korte Suprema na makaboto hangga’t wala pang pinal na hatol ang hukuman, anuman ang kasong kinakaharap nito.
“Regardless ng nature of crime, kahit light offense, medium o tinatawag na crimes punishable by life imprisonment, kahit pa heinous ang classification, ay entitled makaboto hanggang walang final judgement of conviction,” paliwanag pa ni Garcia.
Una nang lumagda ang Comelec ng memorandum of agreement (MOA) kasama ang Bureau of Corrections (BuCor), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Public Attorney’s Office (PAO) kaugnay ng 2025 NLE.
- Latest