Tres Queridas (55)
BAGO pa man tuluyang umakyat ang sasakyan sa flyover patungo sa pekeng safehouse, nagsalita si Celeste para bigyan ng direksiyon si Jack.
“Jack, itabi mo muna sa gilid itong sasakyan, doon muna tayo sa tapat ng medical plaza,” malumanay na utos ni Celeste mula sa likod.
Sa rearview mirror, bahagyang kumunot ang noo ni Jack. “Ma’am Celeste, mas maayos po kung dederetso na tayo sa safehouse sa Mandaluyong para mailagay si Lani sa loob bago pa sumikat ang araw.”
“Hindi na muna, Jack,” sabi naman ni Diana, malamig at kontrolado habang nakatitig sa gilid ng mukha ng bodyguard. “Tumawag na si Celeste sa tatay niya. May inihandang private room at emergency doctor para suriin si Lani. Hindi natin puwedeng i-risk na lumala ang pakiramdam niya nang walang medical na obserbasyon.”
Natigilan si Jack. Unti-unting itinabi ang sasakyan sa gilid ng gusali kung saan nakaparada ang isang itim na SUV, ang sasakyang ipinadala ng ama ni Celeste na may kasamang dalawang pinagkakatiwalaang security detail.
Inilabas ni Celeste ang isang susi mula sa kanyang bag at inabot kay Jack.
“Jack, narito ang susi ng bahay sa Mandaluyong,” sabi ni Celeste, mataman ang tingin sa bawat paggalaw sa mukha ng lalaki. “Dahil naroon na ang sinasabi mong perimeter guards ng agency mo, mauna ka na roon dala ang mabibigat na bagahe. Ihanda mo ang loob at tiyaking safe ang paligid. Susunod kami ni Diana kasama si Lani kapag natapos ang kanyang obserbasyon.”
Isang segundo ng matinding katahimikan ang bumalot sa loob ng kotse. Nakita nina Celeste at Diana ang bahagyang panginginig ng leeg ni Jack, isang mabilis na pagtikhim bago nito kinuha ang susi.
“Sigurado po ba kayo, Ma’am?” tanong ni Jack, pilit na pinananatili ang katatagan ng boses. “Mas ligtas kung kasama n’yo ako rito.”
“May sariling security team ang dad ko sa loob ng ospital, Jack. Ligtas kami rito,” malamig na sagot ni Celeste. “Pumunta ka na sa safehouse. I-verify mo ang mga guwardiya mo.”
Wala nang nagawa si Jack. Tumango ito, inalalayan silang bumaba bago muling pumasok sa kotse at pinatakbo ito patungo sa pekeng safehouse.
(Itutuloy)
- Latest















