Paraan ng libing ng patay dumarami
Marami nang paraan ng paglilibing sa mga patay, bagaman nananatiling karaniwan ang tradisyunal na sistema na inilalagay sa kabaong ang bangkay bago ilibing sa ilalim ng lupa o ilagak sa nitso. Sa ilang kultura, ibinabalot naman sa tela ang bangkay bago ilibing.
Sa kasalukuyan, nagiging popular na alternatibo ang cremation o pagsusunog sa bangkay. Sinasabing mas mura ito kaysa sa tradisyunal na libing, bagaman nakadepende pa rin ito sa halaga ng serbisyo at sa paglalagakan ng abo. Inilalagay ang abo sa isang urn na maaaring ilagak sa columbarium o itago ng pamilya. Sa ilang pagkakataon, ikinakalat din ang abo sa dagat, bukid o iba pang lugar.
Walang iisang paraan ng paglilibing na sinusunod ng lahat. Nakadepende ito sa relihiyon, kultura, kagustuhan ng namatay at kakayahang pinansiyal ng pamilya. May mga naniniwalang dapat manatiling buo ang katawan at ilibing sa lupa, samantalang para sa iba, walang masama sa cremation. Kaya hanggang ngayon, may mga pagtatalo pa rin tungkol sa kung alin ang mas angkop na paraan.
Pero dahil sa pag-unlad ng teknolohiya, nagkakaroon pa ng iba pang alternatibo. Isa rito ang tinatawag na space burial, kung saan maliit na bahagi ng abo ng namatay ang isinasakay sa isang rocket at ipinadadala sa kalawakan. May mga misyon ding nagdadala ng abo patungong Buwan. Hindi buong bangkay ang ipinadadala kundi kaunting abo lamang. Napakamahal ng ganitong serbisyo at hindi rin garantisado ang tagumpay ng bawat misyon dahil maaaring pumalya ang rocket o spacecraft. Sa madaling salita, para ito sa mga may kakayahang gumastos nang malaki.
Mayroon ding tinatawag na human composting o natural organic reduction. Sa prosesong ito, ang buong katawan ay inilalagay sa isang kontroladong sistema upang unti-unting maging materyal na maaaring gamitin sa lupa. Hindi ito cremation dahil hindi sinusunog ang katawan. Itinuturing itong alternatibong mas nakatuon sa pangangalaga sa kalikasan. Sa prosesong ito, ang mga labi ng namayapa ay maaaring maging bahagi ng materyal na ginagamit sa pagtatanim ng halaman o punongkahoy.
Lubhang magastos ang pagbuburol at paglilibing sa kasalukuyan lalo na para sa mga pamilyang kapos sa pera. May mga napipilitang mangutang, magsangla o magbenta ng ari-arian, lumapit sa mga opisyal ng pamahalaan, o humingi ng tulong sa mga kaibigan at kamag-anak para lamang mailibing nang maayos ang kanilang mahal sa buhay.
Hindi naman masamang magkaroon ng iba’t ibang paraan ng paglilibing. Ang mahalaga, sana ay may mas maraming abot-kayang pagpipilian upang hindi maging dagdag na pasanin sa mga naulila ang gastos sa paghahatid sa kanilang mahal sa buhay sa huling hantungan. Masakit isipin, pero ito ang katotohanan: mahirap ding mamatay sa mundong ito kapag mahirap ang maiiwan mo.
* * * * *
Email[email protected]
- Latest















