Writing workshops ‘di laging kailangan
Matagal nang may mga creative writing workshops sa bansa. Nagsimula itong lumitaw noong dekada ’60 at unti-unting dumami sa paglipas ng mga taon. Iba’t ibang pamantasan, institusyon at samahan ang nag-oorganisa ng mga ito para sa mga kabataan at estudyanteng may interes at kakayahan sa pagsusulat.
Karaniwang kailangang magsumite ng sariling akda ang mga kalahok. Binabasa at sinusuri ang mga ito at tinatalakay sa workshop. May mga tumatagal lamang nang ilang araw o ilang linggo.
Malaki naman ang maitutulong nito sa isang baguhang manunulat. Makakakuha siya ng mga puna, mungkahi at gabay mula sa mga mentor at lecturer. Maaari rin niyang makilala ang mga batikan at premyadong manunulat na karaniwang iniimbitahan sa mga ganitong programa.
Nakakalungkot lamang na nitong mga nakaraang taon ay nagkaroon ng mga isyu at kontrobersiya sa ilan sa mga writers workshop. May ilang alegasyon ng pang-aabuso na umabot sa pormal na reklamo at maging sa mga legal na proseso. Mayroon ding mga usaping lumilitaw lamang sa social media at kalaunan ay nawawala rin sa usapan. Sensitibong bagay ang mga ganitong usapin dahil maaaring maapektuhan ang reputasyon ng buong workshop system kahit iilang insidente lamang ang sangkot. Ngunit hindi rin naman nangangahulugan na masama na ang lahat ng writers workshop dahil lamang sa mga problemang lumitaw sa ilan.
Kung tutuusin, hindi naman kailangang dumalo sa creative writing workshop para matutong magsulat. Isa lamang ito sa maraming paraan para mahasa ang kakayahan, lalo na ng isang baguhang manunulat.
Maraming mahusay na manunulat sa Pilipinas at sa ibang bansa ang nakalikha ng mahuhusay na kuwento, nobela, tula, sanaysay at dula nang hindi dumaraan sa kahit anong creative writing workshop. May mga natutong magsulat sa pamamagitan ng pagbabasa, panonood ng teatro at pelikula, pagmamasid sa paligid, pananaliksik at pakikinig sa mga karanasan ng ibang tao. May mga manunulat ding hindi nakatapos ng pormal na edukasyon ngunit nakalikha pa rin ng mga akdang kinikilala. Hindi rin garantiya ang pagdalo sa isang writers workshop para maging mahusay na manunulat at makalikha ng magaling o premyadong akda.
Wala rin itong gaanong ipinagkaiba sa pag-aaral ng malikhaing pagsusulat sa isang pamantasan. Maaaring ituro ng guro ang grammar, wastong paggamit ng pangungusap, pagbuo ng talata, estruktura ng kuwento o iba pang prinsipyo ng pagsulat. Ang workshop, tulad ng paaralan, ay maaaring magbigay ng kaalaman at gabay, ngunit ang tunay na paghuhubog sa isang manunulat ay hindi maaaring gawin ng workshop para sa kaniya.
Sa palagay ko, hindi mga workshop ang lumilikha ng tunay na mga manunulat. Ang manunulat mismo ang humuhubog sa kaniyang sarili bilang manunulat.
••••
Email-[email protected]
- Latest















