Imago (93)
WALANG pag-aalinlangang itinaas ni Maya ang pipe wrench at buong-lakas na pinalo ang salamin ng container na kinaroroonan ng kanyang kakambal.
KRAK!
Lumitaw ang malalaking bitak sa ibabaw ng salamin bago ito tuluyang tumalsik at mabasag sa sementadong sahig. Agad na umagos ang natitirang berdeng likido sa paligid.
Mabilis na pumasok si Maya sa loob ng tubo at inalalayan ang kanyang kambal na dahan-dahang napaluhod habang umuubo at hinahabol ang paghinga.
“Maya...” ang mahina at halos walang boses na bulong ng kanyang kapatid, habang ang mga nanginginig na daliri ay mahigpit na kumapit sa braso niya.
“Narito na ako,” sagot ni Maya. Mabilis niyang tinanggal ang mga tubong nakakabit sa dibdib at braso ng kapatid.
Napakagaan at napakahina ng kanyang kambal. Hindi pa nito kayang tumayo nang mag-isa dahil sa epekto nang matagal na pagkakakulong at ng kemikal.
Isinabit ni Maya ang kanang braso ng kapatid sa kanyang leeg upang pasanin ang kalahati ng timbang nito.
Sa labas ng silid, umalingawngaw ang matinding sigawan at ang mabibigat na yabag ng mga guwardiya ng pasilidad na patungo na sa Chamber 04. Kasunod nito ay mga putok ng baril.
Nagsimulang tumama ang mga bala sa labas ng reinforced bio-seal door. Mabilis na inakay ni Maya ang kapatid patungo sa likurang bahagi ng silid kung saan naroon ang emergency airlock lever. Gamit ang isang kamay, ibinaba niya ang emergency lock upang ibara ang pinto mula sa loob.
Habang nakabibingi ang siren sa buong Sector B, tiningnan ni Maya ang kapatid. Wala nang balikan. Kailangan nilang makahanap ng daan palabas bago mabutas ng mga guwardiya ang nakabarang pinto. (Itutuloy)
- Latest




















