^

Punto Mo

Hintayan sa doktor, oras na nasasayang

PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Paminsan-minsan, makakabasa sa social media tulad ng Facebook ng mga post ng mga pasyente o kanilang pamilya na nagrereklamo tungkol sa napakatagal na paghihintay sa mga doktor sa mga klinika ng ospital, pribado man o pampubliko.

Kadalasang mahahaba ang pila. Inaabot ng dalawa, apat na oras o higit pa bago matawag ang isang pasyente. Wala ring katiyakan na matitingnan agad siya kahit maaga siyang dumating dahil may mga pagkakataong wala pa ang doktor sa klinika o, kung dumating man, isa o dalawang oras nang lampas sa itinakdang schedule.

Ang masakit, habang hinihintay ang pagdating ng doktor, pahaba nang pahaba ang pila ng mga pasyente. Malas ng nasa ika-10 o ika-20 numero kahit dumating na ang manggagamot dahil kailangan pa niyang lalo pang maghintay nang mas matagal bago siya matawag. Lalong malas kapag pagkaraan ng maraming oras na paghihintay ay hindi na pala makararating ang doktor.

Hindi naman fake news ang ganitong mga post dahil matagal nang realidad sa ilang ospital sa Pilipinas ang mahabang paghihintay sa outpatient department o OPD.

Nakakapagtaka lamang kung bakit hindi pa rin lubusang nasosolusyunan ang ganitong problema sa ilang ospital. Sinasalamin marahil nito ang mga problema hindi lamang sa bilang ng mga health worker kundi pati sa sistema ng pag-aasikaso sa mga pasyente.

Hindi naman ito maaaring isisi lamang sa hinihintay na doktor. Maraming posibleng dahilan. Maaaring kulang ang mga doktor kum­para sa dami ng pasyente. May mga doktor ding nagtatrabaho sa iba’t ibang ospital at klinika. Pabagu-bago ang kanilang mga sitwasyon araw-araw kahit may itinakda nang oras ang kanilang mga klinika. Kung natagalan sila sa ibang ospital, naipit sa trapiko, nagkaroon ng emergency o may ibang kailangang asikasuhin, maaapektuhan ang susunod nilang schedule. May mga doktor ding kailangang mag-rounds sa mga pasyenteng naka-confine o magsagawa ng operasyon.

Kung dumating man ang doktor at napakahaba na ang pila, hindi pa rin tiyak na bibilis ang usad nito. Depende pa rin sa kalagayan ng bawat pasyente kung gaano katagal ang bawat konsultasyon.

Pero agrabyado rin ang mga pasyenteng naghihintay nang napakatagal. Maraming lumiliban o nagpapahuli sa trabaho para makapagpa-checkup. May mga bumibiyahe nang malayo at may mga kamag-anak na kailangang sumama sa kanila. May iba pang mga gawain na hindi maasikaso dahil kailangang maglaan ng ilang oras sa ospital. At dahil mas mahalaga ang kalusugan, tinitiis na lamang nila ang mahabang paghihintay. Mabuti na lamang at karaniwang may dalang cellphone ang mga pasyente na maaaring paglibangan habang naghihintay. Pero hindi naman mababawi ng cellphone ang oras na nawala sa kanila. Marahil ay kailangan ding tingnan ng mga ospital ang kanilang sistema ng appointment at pagpapatawag sa mga pasyente. Pareho namang mahalaga ang oras ng doktor at ng pasyente. Mahirap bang balansehin ang dalawang ito?

***

Email-[email protected]

FACEBOOK

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with