^

Punto Mo

Healthy diet mailap para sa mahihirap

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Dito sa Pilipinas, matagal nang realidad na magastos ang magkaroon ng healthy diet. Ito ang balanseng pagkain na nagbibigay sa katawan ng sapat na protina, bitamina, mineral at iba pang sustansiya mula sa gulay, prutas, isda, karne, itlog, gatas, munggo at iba pang masusustansiyang pagkain. Marami ang nakaaalam nito, ngunit hindi lahat ay may kakayahang bilhin ang mga pagkaing ito.

Araw-araw itong nararanasan ng mga maralitang mamamayan kapag namamalengke. Hindi na nila halos tinitingnan ang presyo ng mga prutas, gulay, isda at karne dahil alam nilang lampas na ang mga ito sa kanilang budget. Ang tanong ay hindi na kung ano ang pinakamasustansiya, kundi kung ano ang pinakamurang maihahain sa hapag upang may maipangtawid-gutom sa pamilya.

Ganito rin ang ipinakita sa pinakahuling ulat ng United Nations. Ayon dito, tumaas nang 25 porsiyento ang halaga ng isang healthy diet mula noong 2021. Bunga ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga masusustansiyang pagkain, tinatayang kailangan na ngayon ng isang tao ng average na US$4.28, o humigit-kumulang P264 batay sa kasalukuyang palitan ng piso at dolyar, bawat araw upang magkaroon ng sapat at masustansiyang pagkain. Dahil dito, mahigit isang-katlo ng populasyon ng mundo ang hindi na kayang tustusan ang isang healthy diet.

Kung susundin ang global average na ito, bagaman hindi ito eksaktong sukatan para sa Pilipinas, ang isang pamilyang may apat na miyembro ay mangangailangan ng mahigit P1,050 bawat araw, o halos P32,000 bawat buwan, upang magkaroon ng masustansiyang pagkain. Hindi ito nanga­ngahulugang iyan ang eksaktong kailangang gastusin ng bawat pamilyang Pilipino, ngunit ipinakikita nito kung gaano kamahal ang pagkain na kailangan upang manatiling malusog.

Kapag kapos ang kita, napipilitang mag-adjust ang mga pamilya. Inuuna nilang mabusog ang sikmura kaysa matugunan ang lahat ng pangangailangan sa nutrisyon. Marami ang nagtitiis sa itlog, sardinas, instant noodles, tuyo o de-lata. Kung minsan, isang bandehadong kanin ang inuubos na sasabawan lamang ng toyo o bubudburan ng asin. Dinadamihan na lamang ang kanin upang mapawi ang gutom kahit kulang sa sustansiya ang kanilang pagkain.

Hindi rin kataka-takang marami ang hindi makalipat sa mas masusta­nsiyang alternatibo tulad ng brown rice. Kahit alam nilang mas mabuti ito sa kalusugan, nananatili itong mas mahal kaysa ordinaryong puting bigas. Gayundin ang sariwang isda, prutas at gulay na unti-unti nang nagiging luho para sa maraming mahihirap na pamilya.

Nakalulungkot na sa panahon ng makabagong teknolohiya at pag-unlad ng ekonomiya, marami pa ring pamilyang Pilipino ang problemado kung saan kukuha ng ipangtatawid sa susunod na tanghalian o hapunan. Hangga’t patuloy na tumataas ang presyo ng mga pangunahing pagkain, mananatiling mailap ang healthy diet para sa milyun-milyong mahihirap na Pilipino. Hindi na nila iniisip kung balanse o masustansiya ang kanilang kakainin. Ang mahalaga ay may maihain sa hapag, makaraos sa maghapon at hindi magutom.

••••

Email - [email protected]

 

HEALTHY DIET

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with