‘Wag maging hayop at malansang isda
‘‘ANG hindi magmahal sa sariling wika, daig pa ang hayop at malansang isda.’’ Nagkamali lang si VP Sara sa pagsasabi na kaya mas madalas siyang mag-Tagalog kaysa mag-English ay sapagkat sinusunod niya ang tagubiling ito ni Andres Bonifacio. Ang nagsabi nito’y ang ating pambansang bayaning si Jose Rizal, hindi si Bonifacio. Ayaw kong pintasan si VP Sara sa kanyang pagkakamali, sapagkat sa partikular na puntong ito ay mas mahalaga kung ano ang sinabi, kaysa kung sino ang nagsabi.
Kahit sino pa ang nagsabi nito, ang pagmamahal sa sariling wika ay napakahalagang kapahayagan ng kakanyahan at dignidad ng tao. Sinumang magtatakwil sa sarili niyang wika, sabi nga ni Rizal, ay nawawala ang pagkatao, sapagkat siya’y maihahalintulad sa isang hayop at malansang isda.
Dito sa atin, dalawa ang kinikilalang opisyal na wika--ang Filipino na nakabase sa Tagalog na siyang ating pambansang wika, at ang English. Bukod sa Tagalog, mayroon tayong mahigit sa 170 na katutubong wika, kabilang dito ang Cebuano, Ilocano, Ilonggo, Waray, at Kapampangan. Mahalagang marunong din tayong mag-English, sapagkat ito’y pandaigdig na wika, ngunit lalong mahalagang maging magaling tayo sa ating sariling wika, sapagkat ito ang wika ng ating kaluluwa.
Ang pagiging magaling sa English ay hindi otomatikong kapahayagan ng katalinuhan. Dito sa atin, may mga Pinoy na magaling mag-English, British pa nga ang accent, pero wala namang laman ang sinasabi. May mga Tagalog kung magsalita, pero napakalalim ng laman. Ang mga kinikilalang mamamayan ng mga makapangyarihang bansa na tulad ng China, Japan, Russia, Denmark, France, at Germany ay nagsasalita sa kanilang sariling wika, kahit na sa mga pandaigdigang pagtitipon. Hindi nila iyon ikinahihiya, bagkus ay ipinagmamalaki.
Naalala ko ang anak naming panganay noong nasa kinder pa lamang. Hangang-hanga siya sa kaklaseng Amerikano, napakatalino raw dahil bata pa lang ay ang galing ng mag-English. Sabi ko, hanga rin siya sa iyo dahil ang bata mo pa’y ang galing mo ng mag-Tagalog. Hindi natin dapat ituring na ang ating sariling wika ay mas mababa kaysa English. Hindi natin dapat ikahiya ang pagsasalita ng Tagalog o iba pang katutubong wika. Kahit na nga sa isang pandaigdigang kumperensiya kung maanyayahang magsalita ay pwedeng magsalita sa sariling wika, hindi iyan ikabababa ng dignidad ng sinuman, at iyan naman ay isasalin sa English o iba pang lengguwahe para maintindihan ng mga dumalo.
Sa mga international beauty pageants, sa panahon ng panayam, ang mga kalahok ay karaniwang nagsasalita sa kanilang sariling wika, maliban sa mga Pinoy. Nababawasan ba sila ng puntos kapag hindi sila nagsalita sa English? Hindi! Ang mahalaga’y ang laman ng kanilang sinasabi, at hindi ang wikang kanilang ginagamit. Sana ang ating mga kalahok ay magsalita sa sarili nating wika, sapagkat iyon ang pinakamahalagang kapahayagan ng kanilang pagiging Pilipino.
Hindi ko maipagmalaki ang nanalong beauty queen kung sa itsura ay hindi naman mukhang Pilipino at hindi pa marunong magsalita ng sarili nating wika. Sana’y gawing requirement na kailangang marunong mag-Tagalog ang mga isinasali natin sa mga international beauty pageants.
Sa larangan ng sports, bakit ang tennis star na si Alex Eala ay minahal ng mga Pilipino at sinusuportahan ng ating mga kababayan kahit saang bansa lumaban? Kasi, si Alex ay morena at hindi nahihiyang mag-Tagalog.
- Latest




















