Tres Queridas (14)
MATAPOS mabuksan ni Diana ang padlock gamit ang natuklasan niyang serye ng mga numero, natigilan ang private investigator. Napatitig naman si Celeste kay Diana. May kaunting pait at panginginig sa mga mata ni Celeste. Unang-una, ang nakatagong susi sa ibabaw ng door frame ay natuklasan ni Diana. Ngayon naman, ang passcode ng padlock.
“Paano mo...” mahinang bulong ni Celeste, pilit na pinapanatili ang maawtoridad na boses kahit halatang nasaktan ang kanyang ego. “Paano mo nalaman ang passcode?”
Napakibit balikat si Diana. “Ewan… Kapag siguro matagal na kayong magkasama ng isang tao, may mga bagay na natural na lang na nagiging reflex memory? ‘Yung mga simpleng alaala na hindi mo naman sinasadyang tandaan, pero hindi mo rin basta malilimutan.”
Bahagya nang tumango si Celeste. Pero sa loob-loob niya, hindi niya matanggap na malalim na talaga ang pinagsamahan nina Carlo at Diana.
KINAUMAGAHAN, pumunta sina Celeste at Lani sa bahay ni Diana para basahin ang mga nakuha nilang files sa secret apartment ni Carlo noong gabi. Nakalatag sa mesa ang mga lumang folder ngunit wala sa kanila ang gustong magsalita habang nakatitig sa mga tasang halos lumalamig na ang kape. Habang nakatulala ang tatlo. Lumabas mula sa kanyang kuwarto ang pitong taong gulang na si Mateo habang kinukuskos ang mga mata, nakasuot ng paborito nitong dinosaur pajamas.
“Mommy…” marahang tawag ng bata kay Diana.
Tumayo siya at hinalikan ang anak. “Gising ka na pala, baby ko. May mga bisita si Mommy.”
Napatitig sina Celeste at Lani sa bata. Kamukhang-kamukha ito ni Carlo—ang mga mata, ang kurba ng ilong, at ang bahagyang pilyong ngiti. Hindi mapigilan ni Lani ngumiti habang nakahawak sa kanyang tiyan. Naisip niya kasi na ang sanggol sa kaniyang sinapupunan ay mayroon na palang kuya. Samantala, napatigil si Celeste. Dahan-dahang nawala ang maawtoridad na tindig habang nakatitig kay Mateo. Tila ba may sumaksak sa kanyang dibdib. Sa loob ng tatlong taon nilang pagsasama ni Carlo, tatlong beses silang sumubok sa iba’t ibang fertility clinics sa abroad. Lahat ay nabigo. Noon, kinukumbinsi ni Celeste ang sarili na si Carlo ang may pagkukulang—ngunit ang katotohanan, nakabuo na pala si Carlo ng pamilya at anak.
“Sila si Tita Celeste... at Tita Lani,” mahinahong pakilala ni Diana sa anak. “Mga kaibigan sila ng daddy mo.” (Itutuloy)
- Latest



















