EDITORYAL — Bagong imahe ng Senado
MAY bago nang pinuno ang Senado sa katauhan ni Sen. Sherwin Gatchalian. Pero bago ang makasaysayang pagpapalit ng liderato, muntik nang maging opisyal na kanlungan ng mga kriminal at pugante ang Senado noong gabi ng Mayo 26, nang subukan ng mayorya na sagasaan ang mga patakaran. Sa pamumuno nina Senate President Alan Peter Cayetano at Sen. Rodante Marcoleta, pinilit nilang baguhin ang panuntunan sa pagboto upang payagan ang mga mambabatas na mag-online voting kahit pa nagtatago sa batas. Dahil dito, nag-walkout ang 11 senador sa pangunguna ni Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III.
Ang ipinaglalabang “online voting” para kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ay hindi modernisasyon, kundi garapalang technical workaround upang ihabol ang interes ng pugante. Sa pagbubunyag ni Sen. Panfilo Lacson, lumabas kung gaano karupok ang mayorya: nang mag-walkout ang minorya at kuwestiyunin ni Sotto ang quorum, naiwang nakanganga ang 11 mambabatas ng mayorya dahil lumiban si Sen. Chiz Escudero habang hindi naman makalabas sa lungga si Dela Rosa. Upang makaboto, kailangang naroon mismo ang boboto; iyan ang nakasaad sa Section 117 ng Rule XLI ng Senado. Tinawag ito ni dating Senate President Franklin Drilon na “bastusan” at “tyranny of the majority.”
Pilit na naghahanap ng palusot ang mga kaalyado ng nagtatagong mambabatas. Ginamit pa ni Marcoleta ang katwiran na gawa-gawa lamang ang kasong plunder na inirekomenda laban sa kanya ng Ombudsman hinggil sa P75 milyong ilegal na donasyon sa kampanya, at idinahilan na “walang limitasyon ang pagbibigayan ng magkakaibigan.” Subalit ang tunay na motibo ay malinaw pa sa sikat ng araw: natatakot ang mga senador ng mayorya na nahaharap sa mga kaso ng korapsyon at flood control scam na baka bukas-makalawa ay sila naman ang magtago sa dilim, kaya ngayon pa lang ay gumagawa na sila ng batas para sa kanilang sarili. Higit sa lahat, kailangan nila ang boto ni Dela Rosa upang manipulahin ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Maling-mali rin ang kanilang pagdadahilan na nangyari na ito sa kaso ni dating Senator Leila de Lima. Bukod dito, ang hiling na mag-online session noon ay bunsod ng COVID-19 na isang pambihirang krisis. Sa kasalukuyan, walang national emergency; ang mayroon lang ay isang senador na tinutugis ng batas. Ang pasya ng Senado noon na tanggihan ang hiling ni De Lima ang batas ngayon: bawal bumoto ang mambabatas na wala sa bulwagan.
Napakalaking sampal sa mukha sa ordinaryong manggagawang Pilipino ang ginagawa nina Cayetano at Marcoleta. Mabuti na lang at nagkaroon ng reorganisasyon at napalitan ang liderato ng Senado. Harinawang ito na ang simula ng mga pagbabago at mapapanatag na ang taumbayan.
- Latest



















