^

Punto Mo

Miss Marites: Pinoy AI

PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

May inilunsad kamakailan na bagong AI platform na tinatawag na 41ph at ipinakilala sa pangalang tao na “Miss Marites.” Halos kahawig nito ang mga kilalang AI chatbot tulad ng ChatGPT, Gemini at Copilot na pawang ginagamit ngayon sa pagsusulat, pananaliksik, pagsasalin ng wika, paghahanap ng impormasyon at iba pang digital na gawain.

Ang malaking kaibahan ni Miss Marites, nakatuon ito sa paraan ng pakikipag-usap ng karaniwang Pilipino. Puwede itong kausapin sa Taglish, kolokyal na pananalita, salitang kalye, pambarkada at iba pang hindi pormal na estilo ng pakikipag-usap. Kaya rin nitong umunawa ng iba’t ibang wikang rehiyonal tulad ng Ilokano, Waray, Bisaya, Bikolano, Hiligaynon at Chavacano. Sa halip na pormal at malamig na sagutan, tila nakikipagkuwentuhan lamang ito sa gumagamit habang nagbibigay ng impormasyon at payo.

Ang katawagang “Marites” ay matagal nang bahagi ng kulturang Pinoy. Ginagamit ito bilang bansag sa taong mahilig sa tsismis, usapan at mga balitang umiikot sa komunidad. Sa social media, naging simbolo ito ng pakikibalita at pakikisawsaw sa iba’t ibang usapin. Kaya naman madaling maalala ng publiko ang pangalang “Miss Marites” dahil malapit ito sa nakasanayang humor at ugaling Pilipino.

Ayon sa gumawa nitong kumpanyang BajoVetTech na nakabase sa California, United States, idinisenyo ang 41ph upang mas maunawaan ang iba’t ibang paraan ng pagsasalita ng mga Pilipino, lalo na iyong hindi pormal at halo-halong wika. Karaniwang problema kasi ng maraming banyagang AI chatbot, hirap silang umintindi ng salitang balbal, maling ispeling, pinaikling salita at Taglish na madalas gamitin ng mga Pilipino online. Kapag hindi malinaw sa AI ang tanong, mali rin o sablay ang sagot nito.

Ngunit may mga eksperto ring nagpapaalala na kahit gaano katalino ang AI chatbot, hindi dapat basta-basta paniwalaan ang lahat ng sagot nito. Maaari pa rin itong magbigay ng maling impormasyon, gawa-gawang detalye o bias na sagot depende sa datos na pinaghugutan nito. Kaya mahalaga pa rin ang pagbeberipika ng impormasyon lalo na kung tungkol sa kalusugan, batas, pera at mahahalagang desisyon ang pinag-uusapan.

Sa kabila nito, malinaw na hindi na maiiwasan ang paglawak ng artificial intelligence sa lipunan. Kung dati ay tila pang-science fiction lamang ang pakikipag-usap sa computer, ngayon ay ordinaryo na itong bahagi ng buhay ng maraming tao. At sa bansang mahilig sa kuwentuhan, tsismisan at social media, tila swak na swak nga ang isang AI chatbot na ang pangalan ay “Miss Marites.” Maging maingat lang dahil, tulad ng ibang AI,  isa lamang itong kasangkapan o makina. Maging si Miss Marites ay naglilinaw na gabay at katulong lang siya, hindi kapalit ng tunay na tao.

•••••

 

Email- [email protected]

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with