Wanted mga lider na may kababaang-loob
ISA sa mahalagang katangian na tila nawawala sa ating matataas na lider ay ang kababaang-loob na itinuturing na pundasyon ng lahat ng mabuting katangian. Ang kababaang-loob ay ang tamang pagtingin sa sarili at wastong pagpapahalaga sa kapwa. Dahil pundasyon, kapag nawala ang kababaang-loob, babagsak ang lahat ng mabuting katangian ng isang tao.
Saksi tayo kung paanong may mga Senador ng ating Republika na grabe kung manghamak ng kapwa Senador. O kung magsalita ay parang monopolyo ang lahat ng karunungan. O kung umasta ay parang hindi maaaring magkamali. Humble ang salin sa English ng mababang-loob, kabaligtaran ng hambog. Ito ang marami sa ating mga lider--hambog sa halip na humble.
Ang kababaang-loob ay ginagawa at hindi sinasabi. Nawawala ang kababaang-loob sa sandaling sabihin ninuman na mayroon siya nito. Karaniwan nating naririnig sa mga Senador o Congresista ang pangungusap na, ‘‘This humble representation.’’ Kapag sinabi ‘yan ng isang pulitiko, mas malamang ay magyayabang o babanatan ang kadebate.
Kapag ang lider ay may kababaang-loob, maluwag niyang natatanggap ang kanyang mga limitasyon. Kapag siya’y nagkamali, madali niyang nasasabi ang mga katagang, ‘‘Sori po, mali ako.’’ Sa kabilang dako, ang hambog, mali na ay ipagpipilitan pang siya ang tama. Kapag natatalo sa argumento, gagamit siya ng taktikang kung tawagin ay ‘‘argumentum ad hominem,’’ kung saan ang titirahin niya ay ang pagkatao o pinag-aralan ng kanyang katunggali, sa halip na ang argumento nito.
Kapag ang lider ay may kababaang-loob, ang higit niyang pinahahalagahan ay ang makapagser bisyo, sa halip na tumanggap ng kapalit. Ang mga tradisyunal na pulitiko, habang gumagawa ng mabuti ang nakikita ay balota. Lahat ay ginagawa ‘‘in aid of reelection.’’ Ang isang lider na may kababaang-loob ay pinakikilos ng diwa ng serbisyo publiko.
Kapag ang lider ay may kababaang-loob, ang hinahanap niya ay ang paggawa ng mabuti, at hindi ang palakpakan ng mga tao. Hindi mahalaga sa kanya ang publicity. Gagawa siya ng mabuti may nakakakita man o wala, malaman man ng madla o hindi. Kabaligtaran siya ng epal na ang pangalan o mukha ay mas malaki pa kaysa bagay na ipinamimigay.
Kapag ang lider ay may kababaang-loob, ibinibigay niya ang pinakamabuti, ngunit hinihingi pa rin niya ang pagpapala ng Diyos, sapagkat alam niya na kapos ang kanyang kaalaman at kakayahan, ngunit walang imposible kapag kasama niya ang Diyos. Kapag ang lider ay may kababaang-loob, kaya niyang tanggihan ang male-maletang kayamanan upang mapanatili ang kanyang dangal.
Sa ating pambansang karanasan, napatunayan natin ngayon na ang kailangang maiupo natin sa gobyerno’y hindi lamang matatalino at may sapat na kasanayan. Ang higit na kailangan natin ay mga lider na may kababaang-loob. Ang ating Panginoong Hesus, ang hinahanap Niyang mga tagapaglingkod ay ‘yong may kababaang-loob. Wika Niya, Mapalad ang mga mapagpakumbaba, sapagkat mamanahin nila ang lupa.? Ibig sabihin, ang kababaang-loob ang katangiang maghahatid sa tao sa maayos na relasyon sa kapwa at sa matagumpay na pamumuhay.
Wanted--mga lider na may kababaang-loob. Mga lider na humble. Sila ang mag-aahon sa atin sa balon ng kahihiyan, kahirapan, at katiwalian. Ang mga lider na hambog, itapon na natin sa kangkungan ng kasaysayan. Doon sila nararapat!
- Latest
















