EDITORYAL — Dengue cases,bantayan
MADALAS na ang pag-ulan sa hapon at gabi. Kahit wala pang iniaanunsiyo ang PAGASA sa pagsisimula ng tag-ulan, may mga senyales na paparating na ito. Kahapon, umulan nang malakas sa maraming bahagi ng Metro Manila at nagdulot pa ng pagbaha sa ilang mabababang lugar.
Ngayong nagbabanta na ang pag-ulan, kinatatakutan na naman ang pagdami ng dengue. Mapupuno ng tubig ang mga pinangingitlugan—mga botelyang plastic, paso ng halaman, tinapyas na gulong ng sasakyan at mga kanal na hindi umaagos ang tubig. Ang mga lamok na Aedes Aegypti ang naghahatid ng dengue. Madaling makilala ang lamok na ito dahil may guhit na puti sa katawan.
Ayon sa Department of Health (DOH) nakapagtala na sila ng 7,471 dengue cases sa buong bansa mula Enero 4 hanggang Abril 4, 2026. Mababa naman ito sa naitalang 25,652 kaso noong nakaraang taon sa parehong panahon. Malaki umano ang nagawa ng DOH’s Alas Kwatro Kontra Mosquito campaign. Noong nakaraang taon, nakipag-ugnayan ang DOH sa Department of Education (DepEd) at local government units (LGUs) para sa paglulunsad ng kampanya laban sa dengue.
Sa Hunyo 8, 2026 simula na ng school year 2026-2027. Mga bata ang karaniwang nabibiktima ng dengue. Mas mainam na ipatupad ng DepEd na pagsuutin ng jogging pants ang mga bata para may proteksiyon sa lamok. Magsagawa naman ng regular na paglilinis sa bakuran ng mga eskuwelahan upang mapuksa ang mga lamok na naghahatid ng dengue.
Matatandaan na noong Pebrero 2025, nagdeklara ng dengue outbreak ang Quezon City. Pinakilos ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang lahat ng tanggapan para matulungan ang mga apektado. Lahat ng QC Health Centers ay bukas tuwing Sabado at Linggo. Naglatag din ng fever express lane sa lahat ng city’s health centers at hospitals upang magamot ang QCitizens na may dengue. Nagkaroon ng paglilinis sa mga barangay. Madaling naagapan ang pagdami ng kaso ng dengue dahil sa mabilis na pagkilos ni Belmonte. Sa kasalukuyan, ganito uli ang kampanya ni Belmonte para maiwasan ang dengue. Ganito rin sana ang gawin ng ibang LGUs.
Ang kalinisan sa bahay at sa kapaligiran ang mabisang panlaban sa mga lamok na naghahatid ng dengue. Panatilihin ang kalinisan para walang mga lamok na magiging banta sa buhay. Magsagawa pa ng kampanya ang DOH para maipaalam sa mamamayan ang wastong paglaban at pag-iwas sa dengue. Ang pagtutulungan ng mga residente sa paglilinis sa kapaligiran ay epektibong paraan para mabilis na malipol ang mga lamok na nagdudulot ng dengue. Nararapat ang pagkakaisa para maiwasan ang pagkakasakit na nagdudulot ng kamatayan.
- Latest

















