EDITORYAL – Hanapin si Bato, iharap sa husgado
NAG-ABSENT ng anim na buwan sa Senado si Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa at ngayon, tuluyan na siyang nawala at maaring hindi na magpakita pa. Tumakas siya noong Huwebes ng madaling araw habang kinukupkop ng Senado sa utos ng bagong Senate President Alan Peter Cayetano. Kasama umano ni Bato si Sen. Robin Padilla nang lumabas sa Senate building. Namataan umano sila sa NAIA Terminal 3. Ang pagtakas ni Bato ay kinumpirma ni dating Senate Sergeant at Arms retired general Mao Aplasca.
Nangyari ang pagtakas ni Bato, ilang oras matapos ang barilan sa second floor ng Senado noong Miyerkules dakong alas siyete ng gabi. Ang barilan ay nagdulot ng takot sa mga taong nasa gusali. Hindi malaman ng mga tao kung saan magtatago upang hindi tamaan ng bala. Inamin ni Aplasca na siya ang nagpaputok ng baril bilang warning shots. Tatlumpu’t dalawang bala ang ginamit niya na pawang tumama sa pader.
Hindi lamang takot ang namayani sa Senado—mas ang nakahihiyang pangyayari na naganap nang magpalit ang liderato ng Senado. Agad inaprubahan ni Cayetano ang paglalagay kay Bato sa protective custody ng Senado. Hindi raw maaring arestuhin si Bato sa Senado. May nakahaing arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) kay Bato dahil sa extrajudicial killings sa panahon ni dating Pres. Rodrigo Duterte.
Nanindigan si Bato na hindi siya susuko sa ICC. Kinondena rin ni Bato ang kanyang mga kapwa senador sa panawagang sumuko na siya sa ICC kaugnay ng kanyang arrest warrant. Naghain ng resolusyon ang limang senador na humihikayat kay Dela Rosa na kusa nang sumuko sa mga awtoridad at gumawa na lamang ng legal na hakbang. Sabi ni Bato, mayroon pa raw siyang legal remedies na maaaring gamitin.
Nagsimula ang kaguluhan nang lumutang si Bato sa Senado noong Lunes, eksakto sa pagbobotohan ng mga senador para sa bagong Senate President. Pinatalsik si Senate President Tito Sotto at iniupo ng mga kaalyadong senador si Cayetano.
Nang makita ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) si Bato, tinangka itong arestuhin base sa warrant of arrest na ipinalabas ng ICC. Mabilis na nakatakbo si Bato pero hinabol siya ng NBI agents mula parking lot ng Senado hanggang sa session hall na nasa ikalawang palapag ng Senate building. Sa pagtakbo, nadapa si Bato sa hagdan at nasugatan ang mga daliri.
Naglahong parang bula si Bato. Hanapin siya at iharap sa husgado. Isa na siyang fugitive. Dahil sa nakahihiya at nakadidismayang nangyari sa Senado, nawalan ng tiwala ang mamamayan. Anong hakbang ang gagawin ni Cayetano sa marungis na Senado?
- Latest















