Exam para sa jowa
Isang 20-anyos na binata ang delikadong makulong dahil sa ginawa niyang kamartiran para sa kanyang pinakamamahal na nobya.
Ang binata ay si Ayan Zhademov, mula sa Republic of Kazakhstan. Ilang araw nang hindi mapakali dahil sa sobrang nerbiyos ang kanyang 17-anyos na nobya. Nakatakda kasi itong kumuha ng Unified National Testing (UNT). Ito ay exam na nagsisilbing college admission na ibinibigay sa graduating students sa high school. Alam ng nobya ang kapasidad ng kanyang utak kaya worried ito kung maipapasa ba niya ang UNT.
Super in love ang damuho sa nobyang bobita kaya nagprisinta ito na siya na lamang ang kukuha ng exam. Sa araw ng eksaminasyon, sumipot sa exam center si Ayan na nakasuot pambabaeng damit, kuntodo make-up at mahabang wig. Kaso malakas ang pang-amoy ng examiners.
Tinawag si Ayan at kinausap. Ang mababang boses ni Ayan at hindi kagandahang make-over ang nagbisto na siya ay nagbabalatkayo lamang. Wala na itong magawa kundi umamin sa kanyang modus.
Sa bandang huli, pinagmulta na lang siya ng $2,000. Naging headline sa mga diyaryo ang ginawa ni Ayan. Hindi niya inaasahan ang magiging positibo ang reaksiyon ng publiko sa kanyang ginawa – sumikat siya sa mga kabataang babae at marami ang pumuri na napakamapagmahal daw itong nobyo.
Tinagurian siya ng kanyang mga tagahanga na “Pinakaromantikong Lalaki ng Taon”. Ang nobya ay bibigyan pa rin ng pagkakataong kumuha ng exam sa susunod na taon.
- Latest

















