EDITORYAL -Ibawal ang vape
NOON pa man, maraming health oriented groups ang nananawagan sa pamahalaan na ibawal ang vape o e-cigarettes. Pero nagtengang kawali ang pamahalaan sa panawagan. Mas mahalaga yata para sa kanila ang kinikitang buwis kaysa sa panganib na idinudulot nito sa mga kabataan.
Subalit noong nakaraang linggo, ang Department of Health (DOH) na mismo ang nagsabing ipagbawal na ang paggamit ng vape. Ayon kay DOH OIC-Director Dr. Dominic Maddumba, dapat ipagbawal ang vape sapagkat mapanganib ito sa kalusugan. Nagdudulot umano ito ng cardiovascular disease, lung cancer at iba pang nakamamatay na sakit.
Mga kabataan ang target ng vape manufacturers. Para mahikayat ang mga kabataan, iba’t ibang flavors ang kanilang inaalok at ginagawang makulay ang mga pakete upang maakit ang mga kabataan na edad 13-15. Sa kasalukuyan, dumami na ang mga kabataan na nahumaling sa paggamit ng vape.
Noong 2021, naitala na 19 percent lamang ang mga kabataang gumagamit ng vape, subalit noong 2023, naging 24 percent na ito, batay sa report ng Global Youth Tobacco Surbey (GYTS). Ngayong 2026, tiyak na tumaas ang mga kabataang gumagamit ng vape.
Isa sa mga dahilan kaya maraming kabataan o estudyante ang nagbi-vape ay sapagkat madali silang makabili. May mga vape shop sa malapit sa paaralan. Kahit bawal ang vape shops sa bisinidad ng paaralan, hindi ito nasusunod. Paglabas ng mga estudyante, deretso sila sa vape shops. Sinabi noon ng Philippine National Police (PNP) na sisitahin nila ang mga kabataang pumapasok sa vape shops subalit hindi ito naisasagawa.
Ang Vape Bill ay nagkabisa noong Hulyo 2022. Layunin ng batas na ma-regulate ang importasyon, paggawa, pagbebenta, distribusyon, at paggamit ng vaporized nicotine at non-nicotine products. Subalit hindi nasusunod ang batas sapagkat lumaganap ang pagpupuslit ng vape products. Ang mas matindi, maraming vape importers ang hindi nagbabayad ng buwis. Dinadaya ang pamahalaan. Noong 2024, P8.7 billion umano ang hindi nabayarang buwis ng vape importers.
Mapanganib sa kalusugan ang vaping. Ang vape ay may nicotine, propylene glycol, carbonyls at carbon monoxide. Noong 2018, naitala ng Pilipinas ang kauna-unahang vape associated lung injury na kinasangkutan ng isang 16-anyos na babae. Nakuha ng babae ang sakit dahil ang mga kasamahan sa bahay ay nagbi-vape. Ibawal ang bisyong ito bago pa lubusang malulong ang lahat at mamatay.
- Latest



















