Imago (22)
WALANG oras para umiyak. Ang paralisis ng takot ay biglang napalitan ng manhid na taranta nang mapagtanto ni Maya ang kanyang sitwasyon: kung nakuha nila si Nelson, baka susunod na siya.
Mabilis niyang hinablot ang kanyang backpack. Agad niyang isiniksik ang kanyang mga gamit at camera. Kailangan niyang umalis. Ngayon din. Eksaktong pagkahila niya sa zipper ng bag, bumasag sa katahimikan ang matinis na tunog ng lumang telepono sa ibabaw ng bedside table.
Napatalon si Maya. Nilapitan niya ito at dahan-dahang itinaas ang receiver, ngunit walang boses sa kabilang linya. Isang mabigat at mekanikal na paghinga lamang ang narinig niya bago ito namatay.
Kasunod niyon, nag-vibrate ang kanyang cell phone. Isang text mula sa hindi kilalang numero. Pagkabukas niya, isang larawan ang bumungad: si Nelson, nakatali sa isang silya at may piring ang mga mata. Sa dingding sa likod nito, naroon ang nakatatakot na simbolo ng ibong may mata ng IMAGO. May mensahe sa ibaba: Dalawang oras bago sumikat ang araw.
Nabitawan ni Maya ang telepono. Tumingala siya sa bintana, nakasisigurong may nakamasid sa kanya mula sa labas ng tradisyunal na inn. Ang ryokan na itinuring niyang kanlungan ay naging isang bitag.
Isinukbit niya ang backpack at muling tumakbo patungo sa pinto. Lumabas siya sa madilim na pasilyo at tuluyang tinakasan ang silid, muling sumasabak sa kawalan ng gabi.
(Itutuloy)
- Latest



















