Imago (23)
HULAS ang mukha at habol ang hininga, sinubukan ni Maya na humalo at sumabay sa dagsa ng mga taong naglalakad sa distrito ng Kawaramachi. Sa gitna ng naghihingalong liwanag ng mga neon sign, nakakita siya ng isang 24-hour manga cafe. Pumasok siya, nagbayad para sa isang maliit at pribadong cubicle, at mabilis na isinarado ang sliding door.
Ang silid ay kasya lamang ang isang tao, isang computer, isang malambot na office chair. Sa unang pagkakataon, nakaramdam siya ng kaunting proteksyon sa loob ng claustrophobic na kahon na iyon.
Agad niyang pinatay ang kaniyang cellphone upang putulin ang GPS signal. Kinuha niya ang memory card kung saan niya nailipat ang litrato ni Nelson na pinadala sa kanya kanina. Tinakpan niya ng makapal na tape ang webcam ng monitor sa harap niya, bago binuksan ang file.
Gamit ang kaniyang husay bilang photojournalist, pinalaki ni Maya ang imahe ni Nelson. Sinuri niya ang bawat pixel. Hindi siya tumingin sa mukha ng kaibigan; tumingin siya sa mga anino. Doon niya napansin ang isang detalye sa likod ng silya: isang nakasabit na lumang kalendaryo na may logo ng isang abandonadong textile factory sa Nishijin, isang distrito sa hilagang Kyoto na kilala sa paghahabi.
Hindi pa nila nailalabas si Nelson sa lungsod. Narito pa sila.
Tumingin si Maya sa oras sa sulok? ng computer monitor. Isang oras na lang bago sumikat ang araw. Ang takot ay unti-unting napalitan ng malamig na determinasyon. Alam na niya kung saan siya pupunta.
(Itutuloy)
- Latest





















