^

Punto Mo

Pagtaas ng dolyar ­hindi ­nakakatuwa

PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Masalimuot ang epekto ng paghina ng piso laban sa dolyar at hindi ito nakakatuwa. Nitong mga nakaraang linggo, lumampas sa P61 ang palitan ng piso sa isang dolyar. Sa unang tingin, tila magandang balita ito para sa mga Overseas Filipino Worker at kanilang pamilya dahil mas lumalaki ang katumbas sa piso ng bawat dolyar na ipinapadala.

Ngunit may kapalit ang benepisyong ito. Marami sa ating pangunahing pangangailangan—mula sa pagkain hanggang sa hilaw na materyales—ay inaangkat pa mula sa ibang bansa. Kapag humihina ang piso, mas mahal ang pagbili ng mga produktong ito dahil dolyar ang pambayad sa pandaigdigang kalakalan. Ibig sabihin, kailangan ng mas mara­ming piso para makabuo ng dolyar na pambili ng inaangkat na produkto. Ang pagtaas ng gastos sa pag-aangkat ay kalaunang ipinapasa sa mamimili sa anyo ng mas mataas na presyo ng mga bilihin.

Isa sa pinakamatingkad na halimbawa nito ay langis. Halos lahat ng sektor ng ekonomiya ay nakasandig sa produktong petrolyo—mula sa transportasyon at kuryente hanggang sa produksyon ng mga kalakal, agrikultura at serbisyong pangkalusugan. Dahil binibili sa dolyar ang langis, bawat paghina ng piso ay awtomatikong nagtutulak pataas sa lokal na presyo nito. Kapag tumaas pa ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado at sinabayan ng mahinang piso, doble ang tama sa ekonomiya. Kaya’t mabilis ding sumisipa ang pamasahe, singil sa kuryente at presyo ng pagkain.

Sa ganitong kalagayan, bumababa ang kakayahan ng piso na makabili ng mga produkto. Kung dati ay sapat ang isang libong piso para sa ilang araw na gastusin, ngayon ay maaaring hindi na ito umabot ng ganoon katagal. Kahit mas malaki ang natatanggap na piso mula sa dolyar, kinakain naman ito ng tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo. Sa huli, nababawasan ang tunay na halaga ng perang ipinapadala, at napipilitang magpadala ng mas malaking dolyar ang OFW upang matugunan ang parehong pangangailangan ng pamilya.

May mas malawak pang epekto ito. Kapag humihina ang piso, mas nagiging mabigat ang pagbabayad ng utang panlabas ng bansa na karaniwang nasa dolyar. Mas maraming piso ang kailangang ilaan ng pamahalaan para sa parehong obligasyon. Dahil dito, maaaring mabawasan ang pondo para sa edukasyon, kalusugan at imprastraktura. Sa panig ng negosyo, ang mga umaasa sa imported na materyales ay napipilitang magtaas ng presyo o magbawas ng gastos, na maaaring magdulot ng mas mababang sahod o limitadong oportunidad sa trabaho.

Pansamantala lamang ang benepisyo ng pagtaas ng dolyar para sa iilang tumatanggap nito. Pangmatagalan naman ang bigat ng epekto sa nakararaming Pilipino sa anyo ng mas mahal na bilihin at mas mabigat na gastusin sa araw-araw. Sa huli, ang pagtaas ng dolyar ay hindi simpleng magandang balita, kundi paalala ng kahinaan ng ekonomiya sa pabagu-bagong galaw ng pandaigdigang merkado at sa patuloy na pagdepende sa inaangkat na produkto.

••••••

Email- [email protected]

OFW

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with