Kulto ba ang DDS?
SA isang panayam ng media, sinabi ni dating Senador Sonny? Trillanes na ang DDS o Diehard Duterte Supporters ay tila isa nang kulto. Hindi ko tatangkaing patunayan o pabulaanan kung ang DDS ay isa ngang kulto na sumusunod sa isang lider? na kulto. Ang pag-uusapan natin ay ang mga katangian ng isang kulto.
Isa sa nangingibabaw na katangian ng isang kulto ay ang ganap at walang dudang paniniwala sa isang charismatic leader na nagpapakita ng natatanging kapangyarihan, kakayahan, katalinuhan at istilong kakaiba kaysa karaniwan. Ang lider na ito’y halos sambahin na ng kanyang mga tagasunod na ang katapatan ay iniaalay lamang sa kanya. Sa pananaw ng mga tagasunod, laging tama at hindi maaaring magkamali ang kanilang lider. Walang anumang ebidensiya ang maaaring magpabago sa kanilang tiwala, sapagkat sila’y naniniwala na ang kanilang lider ay nakahihigit kaysa karaniwang tao.
May ginagamit na mapanlinlang na mga taktika ang mga kulto para makontrol ang mga tagasunod nito. Isa na rito ang tinatawag na “love bombing,” binobomba ng pagmamahal, atensyon, pagpapahalaga, at proteksyon ang mga tagasunod. Lumilikha ito ng maling pakiramdam ng pagiging bahagi ng grupo at humahantong sa pagdepende sa lider, kung kaya’t hindi na naiisip ng mga tagasunod ang manipulasyon at tunay na intensyon ng lider.
Kontrol ang susi sa pananatili ng kulto, kung saan ang buhay at paniniwala ng mga tagasunod ay kinokontrol; hindi sila hinahayaang makihalubilo sa iba o makinig sa sinasabi ng iba. Hindi maaaring kwestiyunin ang paniniwala o doktrina ng samahan. Ang pagkwestiyon ay nangangahulugan ng pagpapahiya o pagpaparusa. Isa sa taktikang ginagamit ay ang “hate bonding,” nililikha sa isip ng mga tagasunod na mayroon silang kaaway na walang ibang intensyon kundi ang gawan sila ng masama. Idinidikta ng lider maging ang mga personal na bagay na tulad ng kung ano ang susuotin o kakainin.
Maraming sumikat na kulto na nasangkot sa mga trahedya at krimen. Kabilang rito ang “People’s Temple” na itinatag ni Jim Jones noong 1954. Pinagsama-sama ng kultong ito ang mga elemento ng Kristianismo, sosyalismo at komunismo. Noong 1978, sa Jonestown, Guyana, mahigit sa 900 miyembro nito, marami ay mga bata, ay sama-samang nagpatiwakal sa pamamagitan ng pag-inom ng juice na hinaluan ni Jones ng cyanide.
Dito sa atin, may mga nagpaparatang na si Apollo Quiboloy, isang charismatic leader at nagtatag ng Kingdom of Jesus Christ Church na may milyung-milyong tagasunod, diumano’y isang lider ng kulto. Idineklara ni Quiboloy na siya ang “Appointed Son of God” at “Owner of the Universe.” Kasalukuyan siyang nakakulong sa PNP custodial center dahil sa mga kasong kriminal tulad ng pang-aabuso ng mga bata at human trafficking. Siya’y nasa most wanted list ng Federal Bureau of Investigation ng US dahil sa mga kasong sex at human trafficking. Siya’y matalik na kaibigan ni Duterte na kasalukuyan namang nakakulong sa pasilidad ng International Criminal Court sa The Hague dahil sa diumano’y krimen laban sa sangkatauhan bunga ng giyera nito laban sa droga.
Ang malaking tanong: Isa bang kulto ang DDS? Isa bang lider ng kulto si Duterte? Kung pag-aaralan at susuriing mabuti ang mga katangian ng kulto at lider ng kulto na pinag-usapan natin kanina, ano ang iyong matalinong sagot? Ikaw na ang humusga!
- Latest




















