^

Punto Mo

Tres Queridas (31)

Ronnie M. Halos - Pang-masa

MAINGAY ang makina ng ferry na sinasakyan nina Celeste, Diana at Lani. Nakaupo sina Diana at Lani sa isang sulok, mahigpit na nakabalot sa kani-kanilang mga jacket habang hinahampas ng malamig na hangin mula sa dagat. Nakakakilabot ang ironiya ng sitwasyon, hinahabol nila ang asawang inakala nilang namatay sa isang lumubog na barko.

Sa kabilang upuan, walang imik si Celeste. Kanina pa nakatutok ang mga mata nito sa hawak na tablet. Dahil nabanggit ni Lani ang Isla Balod, nag-search siya sa internet para hanapin kung ano ang koneksiyon ng kanyang pamilya sa abandonadong islang iyon. Nanginginig ang daliri ni Celeste nang mag-load ang isang naka-scan na lumang diyaryo­, dalawampu’t limang taon na ang nakararaan.

“70, PATAY SA LUMUBOG NA M/V DUCHESS TALIA; VERGARA SHIPPING LINE, INIIMBESTIGAHAN”

Kumunot ang noo ni Diana nang mapansin ang mabilis na paghigpit ng hawak ni Celeste sa tablet, hanggang sa mamuti ang mga kuko ng daliri nito.

“Celeste, may problema ba?” nag-aalalang tanong ni Diana, unti-unting lumapit. Sumunod din ng tingin si Lani.

Hindi makapagsalita si Celeste. Dahan-dahan niyang iniharap ang screen sa dalawa. Sa ibaba ng headline ay isang itim-at-puting litrato ng mga nakaligtas na pasahero habang nakaupo sa isang sementadong pantalan. Ang background ng pantalan? Ang mismong shipyard ng Vergara sa Isla Balod. Ngunit hindi ang isla ang nagpatindig ng balahibo nina Diana. Nang i-zoom in ni Celeste ang litrato, nakatutok ito sa isang batang lalaki na nasa edad walo o siyam. Gusgusing nakabalot sa manipis na kumot. Kahit bata pa ito sa litrato, imposibleng magkamali sina Diana at Celeste. Iyon ang mga mata ng asawa nila.

Binasa ni Diana ang caption sa ilalim ng litrato: “Isa sa mga nakaligtas, ang walong-taong gulang na si John Carl Tolentino.”

Nabitiwan ni Celeste ang tablet. Tumama ito sa bakal na sahig ngunit wala siyang pakialam. Nanlalamig ang buong katawan niya habang tinititigan ang lawak ng karagatan.

“Hindi niya ako minahal...” nanginginig na bulong ni Celeste, tuluyang bumagsak ang unang patak ng luha sa kanyang mga mata. “Ginamit niya ako. Pinakasalan niya ako para makapasok sa pamilya namin.”

Natahimik sina Diana at Lani. Sa isang iglap, nagbago ang buong kuwento. Ang paglubog ng ferry­ kung saan inakala nilang namatay si Carlo ay hindi isang aksidente, at hindi rin simpleng pagtakas. Ito ay isang perpektong replika ng trahedyang sumira sa buhay niya, isang malagim na pag­hihiganti sa pamilya ni Celeste. (Itutuloy)

TRES QUERIDAS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with