‘TAGPI’
DAHIL sa ginawa ni Tagpi, nakaligtas ako sa tiyak na kamatayan. Kung natagalan pa ang pagsaklolo ni Tagpi sa akin, maaring natangay na ako sa pinakamalalim na bahagi ng ilog at sa dagat na ako matatagpuang patay. Marami nang namatay sa bahaging iyon ng ilog. Karamihan sa mga namatay ay mga lalaki.
Nang makasampa ako sa pampang ay lumuhod ako at nagpasalamat sa Diyos. Habang nakaluhod ako, nakaupo naman si Tagpi sa di-kalayuan at nakatingin sa akin.
Nang mga sandaling iyon, hinahanap na pala ako ng aking mga magulang. Nagtaka sila sapagkat hindi pa ako dumarating. Lampas na ng ala una ng hapon nang makita nila ako sa pampang.
Ikinuwento ko kung paano tinangay ng agos. Sinabi ko rin kung paano ako dinalhan ni Tagpi nang mahabang bagin at yun ang kinapitan ko para hindi tangayin ng agos sa malalim na bahagi ng ilog.
Niyakap ni Tatay si Tagpi bilang pasasalamat.
Pagkatapos ay lumapit sa akin si Tagpi at hinimuran ang aking mukha. Niyakap ko nang mahigpit si Tagpi. Utang ko sa kanya ang aking buhay.
(Itutuloy)
- Latest




















