Tres Queridas (49)
“ISAMA n’yo na ako pabalik ng Maynila.”
Pakiusap ni Lani matapos magpaalam nina Celeste at Diana. Nakatayo si Lani sa ilalim ng mahinang liwanag ng lampara, nanginginig man ang mga tuhod ay bakas ang matinding determinasyon sa mukha.
“Lani, kailangan mong magpahinga…” awat ng kanyang ina.
“Hindi po, Nay,” mabilis na sabi ni Lani. “Ayoko nang magtago rito habang kayo ang humaharap sa problema sa Maynila. At saka... nakita niyo naman po ang nangyari sa ospital kanina. Kapag nagkaroon ng komplikasyon ang baby ko, baka hindi ako magamot nang maayos dito.”
Nagkatinginan sina Diana at Celeste. May katwiran ang dalaga. Sa kritikal na estado ng pagbubuntis ni Lani, mas makabubuting nasa malapit siya sa mga pasilidad sa Maynila kung saan mas kumpleto ang kagamitan para sa high-risk pregnancy.
“Sige,” marahang payag ni Celeste, dahan-dahang lumapit at inalalayan si Lani sa braso. “Isasama ka namin pabalik ng Maynila.”
Habang inihahanda ni Aling Rosa ang gamit ng anak para sa biyahe, lumabas muna sina Diana at Celeste upang makalanghap nang malamig na hangin. Nang biglang magliwanag ang screen ng cell phone ni Celeste.
Daddy Calling. Mabilis na isinagot ni Celeste ang tawag at pinindot ang speakerphone nang bahagya upang marinig ni Diana.
“Anak,” boses ng ama mula sa Maynila. “Pina-background check ko na si Jack. Tugma naman lahat ng mga binigay niyang impormasyon sa mga nakalap ng tauhan ko. Walang anumang kaugnayan ang pangalan niya kay Carlo.”
“Salamat, Daddy,” sagot ni Celeste bago pinatay ang linya.
Nanatiling nakatitig ang dalawa sa munting ilaw ng cell phone. Kahit kumpirmado na malinis si Jack, walang nakahinga nang maluwag sa kanilang dalawa.
“Malinis din si Carlo sa papel noon bago niya tayo gipitin,” malamig na sabi ni Diana. “Hindi tayo puwedeng magtiwala sa simpleng background check lang. Kailangan na tayo mismo ang sumubok sa loyalty niya.”
(Itutuloy)
- Latest




















