Totally ban, totally buhay— Sinong binubulag sa e-sabong?
MAHIRAP makalimutan ang puganteng si Atong Ang, ang orihinal “Godfather” ng e-sabong sa bansa at sa ibang parte ng mundo dahil hindi lang dito sa atin kinalokohanang online sabong ng mga sugarol na naghirap, nasira ang pamilya at may mga napatayan pa nga!?
Pero sa kabila nang malinaw na utos bawal ang online sabong tuloy pa rin ang raket. Parang multo na hindi maitabuy-taboy. Tanong ng mga taga-laylayan kung bawal, bakit buhay na buhay? Sino ang pinoprotektahan at sino ang pinapabayaan?
Sa pagdinig ng Senado, hindi nagpaikut-ikot si Senador Idol Raffy Tulfo. Rekta. Walang paligoy. Nagpakita pa siya ng live feed ng e-sabong na umaandar umano sa Central Luzon. Hindi tsismis. Hindi haka-haka. May resibo.
Hinarap niya ang PNP Anti-Cybercrime Group, CICC, at NBI Cybercrime Division. Alam n’yo ba ‘to? Sagot ng PNP-ACG, oo raw. Libu-libong sites na raw ang na-block 7,135 mula sa 7,814 simula 2022.
Pero heto ang masakit na katotohanan, kung libo na ang na-block, bakit may natitira pa? Kung talagang ban, bakit parang patintero lang sa internet?
Aminado ang CICC, tuloy ang problema dahil sa mga sponsored ads at streaming platforms. Ibig sabihin, may pera. May padrino. May umaandar na sistema. At habang may sistema, may nalululong. May nababaon sa utang. May pamilyang nasisira.
Hindi ito simpleng laro. Sa barangay, ang nawawalan hindi ang mayayaman. Ang talo rito rayber na umutang. Construction worker na isinugal ang sweldo. Nanay na umaasang manalo para may panggatas. Sa laylayan, isang pustahan lang ang katapat ng gutom.
Dito tumindig si Tulfo. Tinuro niya ang mga umano’y malalaking pangalan mga “kingpin” na ayon sa kanya ay hindi man lang nakalabit. “Bigtime ‘to. Hindi ginalaw ever.” Mabigat na salita. Mabigat na paratang. Pero mabigat din ang tanong -asaan ang hustisya kung ang maliliit ang hinahabol, pero ang alalakiy hindi magalaw?
Tinuligsa din ni Tulfo,? ang paggamit ng P1.3 bilyong intelligence funds ng PNP. Kung may pondo para manghuli ng terorista at sindikato, bakit hirap hulihin ang e-sabong lords? Kung may intel, bakit parang walang galaw?
Samantala, giit ng mga mambabatas, hindi mawawala ang e-sabong kung hindi pupuntahan mismo ang mga cockpit sa probinsya doon daw kinukunan ang mga video, doon ang mga tinatawag na “studio.” Hindi lang ito laban online. May pisikal na pugad. May totoong lugar. May totoong tao.
Noong 2022, ipinag-utos ni PBBM ang pagpapatuloy ng suspensiyon sa e-sabong sa ilalim ng Executive Order No. 9. Nauna na ring ipahinto ito ni dating Pangulong Digong Duterte dahil sa epekto nito sa moralidad at sa pagdami ng krimen at pagkabaon sa utang.
Pero heto tayo ngayon?2026 na.?May ban sa papel. May operasyon sa lupa at online. Ang masakit, habang nagbabangayan ang ahensya, ang ordinaryong Pilipino ang nalulunod.
Kung seryoso ang gobyerno, hindi sapat ang pag-block ng website. Hindi sapat ang press release.Hindi sapat ang “monitoring.”
Ang kailangan pangalanan, kasuhan, ikulong kahit gaano kalaki ang tao. yung hindi, malinaw ang mensahe sa taumbayan may batas para sa mahirap, at may palusot para sa may kapit.
Sa isyung ito, malinaw ang tindig ni Idol Raffy, walang sasantuhin. At iyan ang gusto marinig ng mga tao sa ibaba may lalaban para sa kanila, hindi para sa mga hari-harian ng sugal.
Dahil sa dulo ng lahat ng ito, ang tanong ay hindi lang “bakit may e-sabong pa?” Ang tanong, sino ang nakikinabang, at sino ang binabayaran ng katahimikan?
Disklaymer: ang artikulong ito ay opinyon batay sa mga pahayag at datos na inilahad sa pagdinig ng Senado. Ang mga pangalang nabanggit ay mula sa opisyal na talakayan at hindi pa napapatunayang nagkasala sa hukuman. Layunin ng akda na magbigay ng pananaw at magmulat, hindi manira o magbintang.
- Latest















