Lihis paglilinis, lalong makaiinis
KUMUKULO ang isyu ng Anti Dynasty House Bill No. 6771 na binaraso nina House Speaker Boji Dy at Rep. Sandro Marcos. Hindi nga lang malinaw kung pormang propaganda lamang ito.
Hinuhulaan na maraming kongresista ang hindi susuporta sa nasabing panukalang batas dahil maliwanag pagpapatiwakal sa pulitika ang gagawin nila.
Maluwag naman sigurong makakalusot ang No Work-No Pay House Bill No.7432 na isinubo ni Sandro.
Tinutumbok ng panukalang batas ang mga kongresistang mas marami ang bilang ng araw na absent sa session pero kumukulimbat naman ng suweldo at allowances.
Mabubusog na naman ang mga propagandista ng ibat-ibang partido political na pumupormang lalahok sa 2028 National Election.
Magaan at magandang puhunan ang isyung ito ng House Bill No.7432 at House Bill No. 6771. Pabor ang usaping ito para sa bago pa lamang papasok sa pulitika. Pumasa naman kaya?
Mahirap paniwalaan na sagradong intensyon nina Boji at Sandro ang Anti-Dynasty Bill dahil kilala rin naman ang pamilya nila na hindi mabubuhay ng walang pulitika.
Malamang na iiwas ang mga inaamag na mga kongresista at hindi boboto. Ganyan ang lihis na paglilinis, nakakainis. Di ba?
Hindi malaman ng mga kalaban ni VP Sara Duterte kung papaano nila pabababain ang approval rating nito para talunin sa 2028.
Kahit bumabagsak ang simpatiya ng mamamayan sa mga kaalyado ni Sara na sangkot sa malawakang korapsyon, napananatili pa rin Sara ang popularidad nito. Halata naman kasi na pare-pareho lang silang malalansa.
Malawak na ang kinulapol na mantsa ng kaistupiduhan ng grupo ni Sara hinggil sa usapin ng West Philippine Sea pero ang dulo ay angat pa rin ito sa mga surveys. Magagaling lang kaya ang political strategists ng kampo ni Sara o watak-watak lang hanggang sa ngayon ang kalaban ng DDS? Nagsasarili naman kasi at ayaw ng may kahati sa papakinabangin. Amoy Panis na “kwek-kwek”.
- Latest















