^

Punto Mo

EDITORYAL — Huwag pakialaman ang EDSA Busway

Pang-masa
EDITORYAL — Huwag pakialaman ang EDSA Busway

MAAYOS naman ang operasyon ng EDSA Bus­way. Panatag na yumayaot ang mga pampasaherong bus. Walang aberya. Nasa sistema ang galawan. Mula nang magkaroon ng esklusibong daan ang mga pampasaherong bus sa EDSA, nabawasan ang aksidente. Wala na rin ang pag-aagawan ng mga drayber ng bus sa mga pasahero. Isang malaking tagumpay ang pag­kakaroon ng EDSA Busway.

Pero paano kung payagan na padaanan ang EDSA Busway sa iba pang sasakyan para raw mapaluwag ang trapik? Padaanin daw sa Busway ang mga sasak­yan para sa carpooling na may sakay na 10. Malaking tulong daw para maibsan ang nararanasang trapik sa EDSA na umuubos sa oras ng mga pasahero.

Ayon sa report, umabot sa 143 oras ang nasayang sa trapiko ng mga taga-Metro Manila, samantalang 168 oras sa mga taga-Davao City. Nasa ika-12 puwesto ang Davao City at ika-40 ang Metro Manila sa mga lungsod na may malalang trapiko sa mundo.

Ang may ideya na padaanin ang mga sasakyan na may pasaherong 10 sa EDSA Busway ay si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) manager Nicolas Torre III, dating Philippine National Police (PNP) chief. Sabi ni Torre, malaki tulong sa pagluwag ng trapiko sa EDSA kung papayagan ang carpooling pero ito raw ay mungkahi pa lang.

Ang EDSA Busway ay para lamang sa mga pampasaherong bus. Ginawa ang Busway upang mapabilis ang serbisyo sa commuters. Mahigpit na pinagbabawal ang pagdaan ng mga pribadong sasakyan sa bus way. Tanging ang President, Vice President, Chief Justice, Senate President, House Speaker, at mga pang-emergency na sasakyan gaya ng ambulansiya na may dadalhing pasyente sa ospital ang pina­payagang makadaan sa busway.

Ang ideya ni Torre sa carpooling ay magdudulot ng mga problema. Aabusuhin tiyak ito ng iba pang may-ari ng sasakyan. Kung ngayon na mahigpit ang pagbabawal na dumaan sa busway ang mga pribadong sasakyan ay lantarang nilalabag, paano pa kung may carpooling. Hindi na dapat baguhin ang magandang sistema ng EDSA Busway.

Sa halip na ipaggiitan ang carpooling, ipag-utos ni Torre ang pagtanggal sa mga nakahambalang na sasakyan sa mga kalye na sagabal sa trapiko. I-monitor niya ang mga MMDA traffic enforcers na walang gina­gawa at nagkukumpulan sa iisang lugar habang may sasakyang nagbababa at nagsasakay sa intersection. Mas praktikal ang mga ito kaysa pakialaman ang EDSA Busway.

EDSA BUSWAY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with