‘Sigarilyo’ (Part 9)
MADILIM sa paligid sapagkat nakayungyong ang mga dahon ng dates. Bukod dun, nakadagdag pa ang mga malalagong bougainvillea na nakatanim sa paligid ng villa. Pinakamaraming bougainvillea sa villa na tinitirhan ni Rey.
Pero sa kabila na madilim sa lugar, nakita ko ang isang tao na nakakubli sa malagong bougainvillea. Nakita ko ang baga ng sigarilyo na hawak ng lalaki. Sa kanang kamay ng lalaki, may hawak siyang matalim na bagay. Halatang may inaabangan ang lalaki.
Tumigil ako sa paglalakad. Malakas ang kutob ko na si Rey ang nag-aabang sa akin at meron siyang binabalak na masama sa akin. Sasaksakin ako.
Isang paraan ang naisip ko, nagmamadali akong nagtungo sa opisina ng caretaker ng villa. Twenty four hours na bukas ang opisina.
Tamang-tama na naroon ang guard na isang motawa. Sinabi ko na may lalaking nag-aabang sa akin at may balak na masama. Sinabi ko rin na may hawak na matalim na bagay ang lalaki.
Agad tinungo ng guard ang lugar. Nasa likod ako.
(Itutuloy)
- Latest




















