Bagong Pilipino time
ISA sa dapat nating baguhin bilang isang lahi ay ang konsepto natin ng oras. Normal lang sa atin ang nahuhuli, at hindi natin ito ikinahihiya. Itinuring na natin ito na bahagi ng ating kultura, kaya’t may tinatawag tayong Pilipino time, na ang ibig sabihin ay huli. Kaya kapag itinatakda ang oras ng gawain, para siguruhing magsisimula sa oras ay kailangang linawin na, “hindi Pilipino time.” Isa itong mariing sampal sa atin bilang isang lahi na tayo rin ang may kagagawan.
Ang limang bansang nangunguna sa pagiging laging nasa oras ay ang Denmark, Switzerland, Germany, The Netherlands, at Japan. Sa mga bansang ito, ang mahuli ng kahit tatlong minuto lang ay isang malaking kasalanan at kahihiyan. Sa kanila, ang pagiging nasa oras ay nangangahulugan na advance ng dalawampung minuto o higit pa kaysa napagkasunduang oras. Ang Pilipinas ay kabilang sa mga kulelat, pang-81, kung ang pag-uusapan ay ang pagsunod sa oras . Nakakahiya!
Pansinin na ang limang bansang kilala sa pagsunod sa oras ay mauunlad na bansa. Ayon sa mga pag-aaral, may direktang kaugnayan ang kaunlaran sa pagiging nasa oras.
Naririto ang ilan pang bentahe ng pagiging nasa oras:
Una, ito’y kapahayagan ng paggalang at pagpapahalaga sa kapwa. Kung tayo’y nasa oras, ipinakikita natin ang ating pagpapahalaga sa taong kausap. Usung-uso sa atin ang paghihintay sa mga nahuhuli. Kaya ginagantimpalaan natin ang mga nahuhuli, sapagkat sila’y hinihintay, samantalang pinaparusahan natin ang mga nauuna, sapagkat sila’y pinapaghihintay.
Ikalawa, ang pagtupad natin sa napagkasunduang oras ay lumilikha ng pagtitiwala. Kapani-paniwala ang taong dumarating nang sakto o mas maaga pa kaysa oras na napagkasunduan. Pinag-aalinlanganan naman natin ang katapatan mga taong laging huli sa oras.
Ikatlo, ang pagiging nasa oras ay tumutulong sa productivity, sapagkat maraming nagagawa at walang naaaksayang pagkakataon. Ginto ang oras, malaking halaga ang katumbas ng anumang oras na naaksaya. Maaaring mawala ang isang oportunidad dahil sa pagiging huli, samantalang maaaring malikha ang isang bagong oportunidad dahil sa pagiging nasa oras.
Ikaapat, nakakabawas ng stress ang pagdating sa oras, samantalang nakaka-stress ang pagiging huli. Mahirap maging sentro ng atensyon dahil sa pagiging huli, lumilikha ito ng pagkabalam sa takbo ng isang gawain.
Ikalima, ang pagiging nasa oras ay lumilikha sa tao ng disiplina at mabuting kaasalan. Ang taong laging nauuna ay may disiplina at kinatutuwaan ng marami, samantalang ang laging nahuhuli ay kinaiinisan. Sa pagdalo sa mga kumperensya o seminar, ang mga nauunang dumating ay maraming nakikilala at nagiging kaibigan.
Ayon sa mga pag-aaral, ang mga millennials at Generation Z ay may mataas na kamulatan tungkol sa pagiging nasa oras o punctuality. Tila ito na ang direksyon ng kanilang henerasyon.
Nawa ay dumating na tayo sa isang panahon na ang Pilipino time ay hindi na nangangahulugan na huli, kundi nasa oras, at advance pa nga sa oras. Sabi ng manunulat na si William Shakespeare, “Mas mainam na mauna ng tatlong oras kaysa mahuli ng isang minuto.”
Ang pagiging nasa oras ang isa sa mga pagbabagong kultural na magdadala sa atin sa kaunlaran tulad ng karanasan ng mauunlad na bansa na lubos na nagpapahalaga sa pagiging nasa oras.
- Latest




















