EDITORYAL — Bawal na ang e-bikes sa national road

SIMULA ngayong araw na ito, bawal nang dumaan sa mga pangunahing lansangan ang e-bikes at e-trikes. Ayon sa Land Transportation Office (LTO), ang mga e-bikes at e-trikes na yayaot sa mga kalsada simula sa araw na ito ay huhulihin at i-impound.
Noong Abril 1, 2024, ibinawal na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagyaot ng e-trike at e-bike sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila. Sabi ni MMDA chairman Romando Artes, ang mga lalabag sa regulasyon ay pagmumultahin ng P2,500. Ayon pa kay Artes, oobligahin na rin na magkaroon ng driver’s license ang nagmamaneho ng e-vehicles at kung walang maipakikitang lisensiya ay i-impound ito. Kabilang din sa mga ipinagbabawal na dumaan sa national roads ang pedicabs, pushcarts at “kuliglig”.
Noong Abril 18, 2024, inatasan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang MMDA na bigyan ng palugit ang mga may-ari ng e-bikes at e-trikes at iba pang sasakyan. Sabi ni Marcos, kailangan pa raw magbigay ng sapat na panahon para sa malawak na pagsisiwalat ng impormasyon hinggil sa ban ng e-bikes.
Kailangan din daw maisaayos na maituro ang mga kalsadang maaring gamitin ng e-bikes. Ganundin naman na dapat ay maipaalala ang mga bagong patakaran na ipinapatupad upang maging ligtas sa mga lansangan.
Subalit lumipas ang isang taon, walang ginawang pag-aaral ang LTO para maisaayos ang pagyaot ng e-bikes at e-trikes sa mga pangunahing kalsada.
Dahil sa kautusan ni Marcos, lalo pang dumami ang mga e-bikes sa pangunahing kalsada. Ginagamit nang panghanapbuhay ang e-bikes—ginagamit na service ng mga estudyante, panghakot ng paninda at iba pang pagkakakitaan. Ang masaklap pa, mga menor-de-edad ang nagmamaneho ng e-bikes.
Sana naman ay maipatupad na ang batas sa mga yumayaot na e-bike. Hindi sana ningas kugon ang pagpapatupad katulad sa nakaraan. Dapat ibawal ang e-bike upang maiwasan din ang dumaraming aksidente sa kalsada kung saan marami ang namamatay.
- Latest















