^

Punto Mo

Dahil sinisira natin ang kalikasan

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

NAG-IWAN din ng pinsala ang Bagyong Uwan sa ilang lugar sa Northern at Central Luzon, ngunit hindi gaya ng kinatatakutang pinsalang magagawa ng isang super typhoon. Hindi rin tulad ng kakila-kilabot na pinsalang iniwan ng Bagyong Tino sa Cebu na parang dumanas ng isang malubhang giyera.

Ang itinuturong dahilan ng paghina ni Uwan ay ang pagkadurog ng “mata” nito nang tumama sa mga bulubundukin ng Sierra Madre. Ang Sierra Madre ang pinakamahabang bulubundukin sa Pilipinas, na sumasaklaw sa mahigit 540 kilometro, mula sa probinsya ng Cagayan hanggang sa Quezon.

Sadyang nilikha ng Diyos ang kalikasan para sa kapakinabangan ng tao na itinalaga Niya upang maging tagapangalaga at tagapagbantay ng kalikasan. Isipin n’yo na lamang kung makakalbo ang mga bulubundukin ng Sierra Madre, wala nang magsasanggalang sa mga probinsya ng Luzon mula sa hilaga hanggang sa timog laban sa malalakas na bagyo. Kaya obligasyon ng gobyerno at bawat mamamayang Pilipino na pangalagaan ang Sierra Madre.

Ang malungkot, ang tagapagbantay ng kalikasan, ang tao, ay naging bantay-salakay. Dahil sa kagagawan ng tao na tulad ng walang-habas na pagputol ng mga punungkahoy at paggamit ng mga kemikal na humahantong sa air pollution, nagkaroon ng tinatawag na climate change na siyang dahilan ng patuloy na paglakas ng mapaminsalang mga bagyo.

Ang Pilipinas ay tinatamaan nang hanggang sa 24 na bagyo taun-taon, apat sa mga ito ang nag-iiwan ng malaking pinsala sa buhay at ari-arian.

Pagkatapos ng bagyo ay ang malakihang mga pagbaha. Ang karaniwang nakikita natin sa mga binahang lugar, lalo na sa Metro Manila, ay ang tone-toneladang basura na karamihan ay plastic na sumisira sa kalikasan. Alam n’yo ba na kasama ang Pilipinas sa mga bansang ­nangunguna sa pinagmumulan ng plastic pollution? 

Isa sa mga itinuturong pinagmumulan ng pagbaha sa Metro Manila ay ang patuloy na pag-re-reclaim ng lupa sa karagatan ng Manila Bay. Naapektuhan nito ang likas na daloy ng tubig, bukod pa sa sinisira nito ang ecosystem at yamang-dagat sa paligid ng bay. Idagdag pa rito ang pagtatayo ng mga estraktura sa mga estero at iba pang daluyan ng tubig, kasama na ang ginawang dolomite beach sa Manila Bay. Inabuso natin ang kalikasan, at ang gobyerno’y kakutsaba sa pang-aabusong ito. Hindi natin maitatanggi, wala tayong kalaban-laban kapag nagalit ang kalikasan.

Marami na tayong napatay at napapatay na ilog dahil sa kawalan natin ng malasakit sa kalikasan. Isa na rito ang Pasig River na nagkokonekta sa Laguna de Bay sa Manila Bay. Noong panahon ng Kastila, ang Pasig River ang sentro ng negosyo at transportasyon. Maraming nahuhuli ritong isda na pinagkakakitaan ng mamamayan.

Pero dahil sa pagtatapon dito ng basura at kemikal mula sa mga kabahayan at pabrika, nasira at patuloy na nasisira ang Pasig River. Kung tayo lamang ay naging mabuting katiwala, baka daigin pa natin ang bantog na gondola ride sa Venice grand canal sa Italy.

Dalawang libong taon na ang nakaraan, sinabi ni Pablo sa Roma 8:22 ang ganito, “Alam nating hangga ngayo’y dumaraing ang sangnilikha dahil sa matinding hirap...” Sana’y matigil na tayo sa pagdaragdag sa paghihirap ng kalikasan. Kung hindi natin ito gagawin, litrato na lang ang maiiwan sa mga susunod na henerasyon!

KALIKASAN

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with