^

Punto Mo

Makararating kaya sa kalawakan ang Pinoy?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Itinalaga kamakailan ng administrasyong Marcos si Dr. Gay Jane Perez, isang Pilipinong siyentipiko, bilang bagong Officer-in-Charge ng Philippine Space Agency (PhilSA) kapalit ng nagbitiw na si Dr. Joel Joseph Marciano Jr., ang unang Director General ng ahensiya. Itinatag ang PhilSA noong 2019 sa bisa ng Republic Act No. 11363 o Philippine Space Act, at nagsimula itong ganap na mag-operate noong 2020.

Hindi na rin baguhan si Perez sa PhilSA. Nagsilbi siyang Deputy Director General for Space Science and Technology mula pa noong 2021. Nagtapos siya ng Ph.D. in Physics sa UP-Diliman at nakapagsagawa ng postdoctoral research sa Goddard Space Flight Center ng NASA sa Amerika.

Siya rin ang unang Pilipinong tumanggap ng ASEANS Science Prize for Women, bilang pagkilala sa paggamit niya ng satellite data para mapabuti ang pagtaya ng tagtuyot at mapalakas ang produksyon sa agrikultura. Napabilang siya sa The Outstanding Women in the Nation’s Service (TOWNS) noong 2019 at kinilalang Outstanding Young Scientist ng National Academy of Science and Technology noong 2021.

Kabilang si Perez sa mga lider ng team sa likod ng Diwata-1 at Diwata-2, ang unang microsatellites ng Pilipinas. Ang dalawang “Diwata” ay nagsilbing mga mata ng bansa sa kalangitan ginagamit sa disaster monitoring, weather observation, at agricultural mapping. Hindi lang ito basta “rocket science,” kundi teknolohiyang may direktang gamit sa araw-araw na buhay ng mga Pilipino.

Malaking hamon ngayon kay Perez ang pamumuno sa isang batang ahensiyang tulad ng PhilSA, lalo na’t ikinukumpara ito sa mga matagal nang space agency ng mundo. Gayunman, sa limang taon ng operasyon nito, unti-unting nababago ang pananaw ng pamahalaan at publiko sa kahalagahan ng space technology. Hindi lang ito tungkol sa pagpapalipad ng astronaut o pagpunta sa Mars, kundi sa paggamit ng agham upang tugunan ang mga problema sa lupa klima, sakuna, agrikultura, at komunikasyon.

Isa rin sa layunin ng PhilSA ang palawakin ang kamalayan ng mga Pilipino tungkol sa agham ng kalawakan. Binuo pa nga ang Philippine Space Week upang ipagdiwang ang ambag ng mga Pilipino sa larangang ito. Sa totoo lang, bahagi na ng ating araw-araw ang bunga ng pananaliksik sa kalawakan mula sa GPS ng cell phone, signal ng telebisyon, hanggang sa datos na ginagamit ng PAGASA sa pagtaya ng bagyo.

Gayunman, nananatiling palaisipan sa marami kung darating ang panahong makakarating din sa kalawakan ang Pinoy. Magkakaroon kaya tayo ng sariling astronaut? Makapagpapadala rin kaya tayo ng spacecraft sa ibang planeta Sa ngayon, may mga ugnayan na ang PhilSA sa mga space agency ng Japan, U.S., at Europe. Pinag-aaralan din ng Pilipinas ang posibilidad ng paglahok sa Artemis Accords, isang pandaigdigang kasunduang pinangungunahan ng NASA para sa pagbabalik ng tao sa Buwan at sa paghahanda sa mga susunod na misyon.

Bagaman maliit na bansa lamang tayo sa larangan ng space exploration, may posibilidad na sa hinaharap, maging kabahagi rin ang ating mga siyentipiko sa ganitong pandaigdigang proyekto. Sana nga, dumating ang panahon na hindi na lang tayo tagatanaw ng mga bituin at eclipse, kundi maging aktibong kalahok sa pag-abot sa mga ito.

-oooooo-

Email: [email protected]

SCIENCE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with