Mahabang buhay, mailap sa Pinoy?
NAPABALITA kamakailan ang tungkol kay Maria Branyas Morera ng Spain na namatay noong Agosto 2024 sa edad na 117. Ayon sa kanyang pamilya, pumanaw siya nang mapayapa sa pagtulog, walang malubhang karamdaman maliban sa paghina ng pandinig at kakayahang kumilos.
Sa pagsusuri ng mga scientist, natuklasan na may mga genes siyang mas mahusay lumaban sa sakit. Bukod dito, simple at disiplinado ang kanyang pamumuhay: kumakain ng tama, walang bisyo, at nananatiling aktibo. Gayunman, sabi ng mga eksperto, hindi sapat ang genes at healthy lifestyle lamang. Kailangan din ng maganda at ligtas na kapaligiran, access sa kalusugan, at matiwasay na pamumuhay.
Sa buong mundo, kakaunti lamang ang nakakaabot ng ganoong edad. Ang pinakamatagal na naitala ay si Jeanne Calment ng France na umabot ng 122 taon bago mamatay noong 1997. Hanggang ngayon, siya pa rin ang may hawak ng rekord. May ilang scientist na nagsasabing posibleng umabot ang tao sa 150 taong gulang ngunit wala pang malinaw na ebidensiya.
Sa Pilipinas, walang depinidong datos sa bilang ng mga sentenaryo pero nakapagtala ng 12,000 Pilipino centenarians ang Department of Social Welfare and Development noong 2023. Gayunman, kakaunti pa rin ang seryosong pananaliksik tungkol sa kanila. Kadalasan, nababalita lamang ang isang matanda dahil sa kanyang edad at natatanggap na cash gift, pero bihira ang mas malalim na pag-aaral kung bakit nga ba humaba ang kanyang buhay.
Kung pagbabatayan ang kanilang mga kuwento, karaniwang binabanggit ang pagkain ng gulay, prutas at isda, ang araw-araw na gawain gaya ng pagsasaka o paglalakad, ang pag-iwas sa bisyo, at higit sa lahat ang positibong pananaw sa buhay. Hindi nila sinadya o plinanong maging sentenaryo, tila natural na bunga na lang ito ng kanilang pamumuhay.
Subalit kahit dumarami ang umaabot sa 100 taon, hindi ito nangangahulugan na karaniwan na lang ang ganoong haba ng buhay. Sa Japan at Italy, mas mataas ang bilang ng mga sentenaryo dahil organisado ang suporta para sa matatanda at mas malusog ang kapaligiran. Sa Japan, umabot na sa mahigit 92,000 ang bilang ng mga taong lampas 100 noong 2023, ayon sa pamahalaan nito. Sa U.S., higit 89,000 ang naitalang centenarians noong 2021 ayon sa U.S. Census Bureau. Sa Canada naman, may 11,700 centenarians noong 2023. Sa China, tinatayang may higit 58,000 centenarians pa noong 2014 at patuloy pang nadadagdagan.
Samantala, ang life expectancy sa Pilipinas ay umakyat mula 59 taon noong 1960 tungo sa 71 taon noong 2023. Ngunit mas mababa pa rin ito kumpara sa Japan na 84.6 at Italy na 82.7.
Mailap ba ang mahabang buhay sa mga Pinoy? Marami ang nagkakasakit ngunit walang pampadoktor o pampaospital. Marami rin ang hirap makabili ng masustansiyang pagkain o makapagsagawa ng tinatawag na healthy lifestyle. At hindi lang sakit ang kalaban, nariyan din ang banta ng krimen, aksidente, kalamidad, at iba pang sakuna na nakapagpapaikli ng buhay ng sino man.
Lahat ng tao ay may hangganan. May mga kuntento kung hanggang saan na lang ang kanilang buhay, ngunit may ilan ding umaasang humaba pa ito kahit walang katiyakan. Sa huli, ang mahabang buhay ay hindi lamang bunga ng genes o suwerte. Kailangan din ang alaga sa katawan, suporta ng pamilya at lipunan, at ligtas na kapaligiran. Mailap nga ba ang mahabang buhay sa Pilipino—o kaya rin ba natin itong gawing abot-kamay?
------
Email: [email protected]
- Latest















