Ang insertion ng ilang ‘honorable’?
KUNG may Olympics ng kalokohan, panalo na sana ang Pilipinas dahil sa event na tinatawag na insertion. Walang tatalo sa bilis ng mga mambabatas na magsingit ng proyekto sa budget. Para silang naglalaro ng sungka kung saan may butas, doon isisingit ang bato. Pero imbes na bato, bilyones ang nilalagay!
Sabi nila, ang insertion daw ay para sa bayan. Oo, para sa bayan pero mukhang para sa ibang bayani—yung bayani na nakaupo sa bangko, kumikislap ang bracelet, at biglang yumayaman kahit wala namang negosyo.
Kung tutuusin, may trabaho naman talaga ang mga kongresista at senador: gumawa ng batas. Pero bakit parang mas busy sila maghanap ng contractor kaysa magpanday ng polisiya? Minsan tuloy, mas bagay silang tawagin na Project Managers ng Republic of the Philippines, Inc. kesa na “Honorable”.
At eto pa: ang insertion ay laging may kasamang drama. Parang teleserye. “Hindi totoo na may anomalya!” “Lahat ng ito ay para sa taumbayan!” Pero sa likod ng kamera, may cut. Hindi cut to next scene, kundi cut sa budget.
Tanong lang: kung talagang para sa tao ang mga insertion, bakit hanggang ngayon ang dami pa ring kalsadang butas, ang mga ospital kulang sa kama, at ang paaralan siksikan? O baka naman ang mga butas sa kalsada ay mas mabilis matakpan kaysa butas sa konsensiya?
Simple lang dapat: kung hindi kayang labanan ang tukso, sarhan ang pinto. Kung ayaw ng mga mambabatas na mapagkamalang magnanakaw, tigilan na nila ang paglalaro sa pondo. Kasi hanggang may insertion, laging may susunod na “national scandal”.
At kung hindi pa rin matigil ‘yan? Aba, baka dumating ang araw na sa halip na Honorable, tawag na sa kanila ay “Insertable”.
Disklaymer: Ito ay sariling opinyon lamang ng may-akda. Ang layunin ay magmulat, magpatawa, at sabay na kumurot. Wala itong intensiyon na mag-akusa ng partikular na tao o institusyon.
- Latest




















