EDITORYAL - Meron ding ‘ghost’ farm-to-market road?

IPINANGAKO ni President Ferdinand Marcos Jr., sa mga nakaraan niyang State of the Nation Address (SONA) na bago matapos ang kanyang termino sa 2028 ay makapagpapagawa ng 131,000 kilometro ng farm-to-market roads. Pero tila hindi maaabot ang target dahil ang nagagawa pa lamang, as of July 2025 ay 70,000 kilometro. Napakalayo pa sa target. Maraming magsasaka ang umaasa na magkaroon ng FMR pero sa panaginip lamang pala. Nakapagtataka kung bakit napakatagal gawin ng DPWH ang FMR gayung may pondo rito. Hindi kaya kabilang din ang FMR sa ghost project? Dapat magkaroon na rin ng imbestigasyon ukol dito.
Nang umalingasaw ang anomalya sa flood control projects na kinasasangkutan ng mga pribadong contractor, DPWH officials at mga mambabatas, lahat nang mga pagawaing bayan ay pinagdududahan na. At posibleng kasama rito ang farm-to-market road projects na inumpisahan noon pang 2021.
Ayon kay Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., kailangan ang pag-audit sa lahat ng farm?to?market road (FMR) projects bilang pagtalima sa kautusan ni President Ferdinand Marcos Jr. upang magkaroon ng transparency. Ang pag-audit sa FMR ay kasunod ng imbestigasyon na sinimulan ni Marcos Jr. sa kontrobersiyal na flood control projects ng DPWH noong Hulyo sa kanyang SONA.
Kasunod niyon ay pinangalanan niya ang 15 contractors na nakakopo nang malalaking flood control projects na ang karamihan ay parang ghost projects. Nang mag-inspection siya sa dalawang bayan sa Bulacan, umakyat ang dugo niya sa ulo sapagkat wala siyang nakita ni isang hollow block o semento. Lalong uminit ang ulo ng Presidente nang mabasa ang report ng DPWH na “completed” na ang projects sa dalawang bayan sa Bulacan at nakubra na ng contractor ang kabayaran.
Lahat nang projects ng DPWH ay masusing binabantayan ngayon dahil sa pagsabog ng anomalya sa flood control projects. Marami na ring sinibak na opisyal sa DPWH dahil sa katakut-takot na korapsiyon. Habang binabaha ang mamamayan, bumabaha naman ang pera sa DPWH kung saan dinideliber pa sa opisina ng district engineer ang talaksan ng pera.
Ayon kay DA Secretary Tiu Laurel, bina-validate na umano ang mga road project na isinagawa sa pamamagitan ng bidding at itinayo ng DPWH. Nais umano ni Tiu Laurel ng transparency, kalidad, at resulta. Kailangan umanong ma-audit ang lahat nang FMR projects mula 2021 hanggang 2025.
Posibleng may ghost FMRs din dahil sa sabwatan ng contractors at DPWH officials. Dapat magkaroon ng malalim na imbestigasyon ukol dito. Maaring nawawaldas ang pondo rito.
- Latest















