La Union 2nd district binaha, dati hindi!
BINAHA ang mga bayan ng Rizal, Tubao, Rosario at Agoo, na lahat sakop ng District 2 ng La Union dahil sa hagupit ng Bagyong Nando. Hindi naman kataka-taka ito dahil ang sentro ng Bagyong Nando ay sa Ilocos Region. Kaya lang, sinabi ng mga residente sa District 2, sa kanilang post sa social media, na ngayon lang nangyari itong lugar nila ay binaha. Araguyyy!
Siyempre, kapag binaha ang District 2, palaging nakadikit sa iisipan ng mga residente ang sub-standard na flood control projects sa kanilang lugar. Mismooo! Hindi lang ninerbiyos sa ngayon ang mga presidente, kundi tuwing ideklara ng PAGASA na may darating pang malakas na bagyo. Ano ba ‘yan?
At nakatuon ang sisi ng mga residente kay 2nd District Rep. Dante Garcia na nananatiling tahimik matapos ma-inspection at mabulgar nina DPWH Vince Dizon at Baguio City Mayor Benjie Magalong, ang ICI consultant, ang sub-standard na flood control project sa Bauang noong Setyembre 16. Tsk tsk tsk! Magpaliwanag ka naman Rep. Garcia Sir? Sal-it! Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Habang binabaha ang kanilang lugar, nakatuon naman ang mga mata ng mga residente sa 2nd District sa isang maliit na hardware store sa 5th class municipality ng Pugo, na pag-aari ng Villar General Construction and Services na nakakorner ng bilyones na 25 flood control projects mula 2002 hanggang 2025.
Ayon sa mga dokumentong ipinadala sa “Sumbong sa Pangulo” ang naturang construction firm ay nagtapos ng kanilang flood control projects sa parehas na petsa. Sanamagan! May nagsumbong pa kay Magalong na ang Villar GCS ay isa sa mga dummy contractors ni Garcia? Sal-it!
Kung sabagay, si Garcia ay sinampahan ng graft complaint ng Progressive Youth of La Union sa Ombudsman dahil sa paggamit ng dummy contractors sa kanilang proyekto sa probinsiya. Dipugaaa! Mukhang hahaba pa ang usapin ng flood control sa La Union ah. Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Nasa dokumento rin sa Palasyo na dineklara ng Villar GCS na ang tatlong flood control projects nila sa Tubao at Caba, sa halagang P48 milyon at P49 milyon, ay sabay-sabay na natapos noong February 16, 2025. Kaya lang, inireport ng mga residente kay Magalong na hanggang ngayon, ang trabahador na nasa payroll ng isang pulitiko ay patuloy na nagtatrabaho 24/7 upang i-repair ang damaged portions ng mga proyekto. Palalabasin na hindi sub-standard? Araguyyy!
Umamin na si Bulacan Asst. District engineer Brice Hernandez na lahat ng flood control projects nila ay sub-standard. Sa La Union kaya? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Kaya tama lang ang action ni Dizon na magsagawa ang DPWH ng case build-up sa mga suspected ghost flood control projects hindi lang sa La Union, kundi maging sa Mindoro, Nueva Vizcaya, Eastern Samar at iba pang probinsiya sa Mindanao.
Ayon naman kay Magalong, ipa-fast track ng ICI ang pag-imbestiga sa mga kinukuwestiyon na mga proyekto para kasuhan ang mga sangkot na contractors, pulitiko at government officials. Behhh buti nga!
Mukhang may makakasama na si Hernandez at mga kaalyado n’ya sa kulungan pag nagkataon. Ano pa nga ba? Abangan!
- Latest
















