‘Lighter’ (Part 11)
Nang umuwi ako sa bahay mula kina Mang Avelino ay naabutan ko si Itay na kinakabitan ng maliliit na stainless na kadena ang lighter na binili ko sa Tokyo. Dahil malabo ang mata ni Itay, hindi niya maikabit ang kadena sa lighter kaya ako ang nagkabit.
“Saan ka bumili ng kadena, Itay?”
“Matagal ko nang binili yan. Sadya akong naglalaan ng reserba para kung mawala ang isa ay mayroong nakahandang kapalit.”
Naikabit ko ang kadena ng lighter.
Iniabot ko kay Itay ang lighter.
Agad na inilagay ni Itay sa kanyang bulsa ang lighter na ang dulo ng kadena ay nasa sinturera.
“Bagay ba?” tanong sa akin ni Itay.
“Bagay, Itay.”
“Matibay ito at hindi na mawawala.”
Iniba ko ang usapan.
“Itay, hindi ka na siguro babatiin ng kumpare mo ano?”
“Ni Pareng Avelino?”
“Opo.”
“Baka hindi na.”
“E halimbawa isang araw ay makipagbati sa’yo, tatanggapin mo?”
Hindi sumagot si Itay.
Hindi ko na sinundan ang tanong. Siguro hindi na niya babatiin ang kumpare kapag nakipag-ayos.
(Itutuloy)
- Latest

















