‘Lighter’ (Part 8)
DALAWANG lighter ang binili ko sa isang tindahan sa Tokyo, Japan malapit sa Shibuya Station. May kamahalan ang lighter pero hindi ko pinansin ang presyo dahil kayang-kaya kong bilhin. Sa totoo lang, maganda ang aking trabaho bilang IT expert at malaki ang suweldo. Mula nang magkaroon ako ng trabaho na may malaking suweldo, naipagkaloob ko kina Itay at Inay ang magandang buhay. Naipagpagawa ko sila nang malaking bahay. Pinatigil ko na si Itay sa pagtatrabaho sa bukid at sa halip siya na lamang ang nag-uutos kung ano ang gagawin sa aming bukid. Ibinili ko rin si Itay ng ilang ektaryang taniman ng saging at niyog.
Nang ibigay ko kay Itay ang lighter na binili ko sa Tokyo ay hindi siya makapaniwala.
“Eto ang lighter kong nawala ah!”
“Oo nga po Itay.”
“Saan mo nakuha? Hinanap mo ba sa ilog?”
“Hindi po Itay.”
“E paano napunta sa’yo ito?”
Sinabi ko ang totoo na binili ko iyon sa Japan.
“Salamat naman at naibili mo ako. Bumalik din ang nawala kong lighter. Kapag nagkabati kami ni Pareng Avelino, meron na akong ipakikita sa kanya.”
“Huwag mo nang asahan Itay na magkakabati kayo ng kumpare mo. Kalimutan mo na siya, Itay.”
Tumango si Itay bilang pagsang-ayon.
(Itutuloy)
- Latest

















