Nawalan ng preno, nawalan ng buhay
ILANG beses na nating narinig ang gasgas na dahilan na ito, “Nawalan ng preno ang truck, kaya nadisgrasya, kaya may namatay.” Paulit-ulit, para bang normal na lang na lahat ng truck sa Pilipinas ay laging may problema sa preno. Kung ganyan kadelikado ang mga truck, bakit pinabibiyahe pa?
Huwag gawing tanga ang publiko. Hindi na ito aksidente kung paulit-ulit na nangyayari isa itong malinaw na kapabayaan. Ang mga may-ari ng truck, imbes na gumastos sa maayos na maintenance, hinahayaan na lang bumiyahe ang bulok na unit na para bang buhay ng tao ay balewala. At kapag may namatay, ang kasagutan: “Aksidente, nawalan ng preno.” Palusot na bulok, luma na, at nakakasuka na.
Kung isang ordinaryong jeepney driver na walang boundary ang mahuli, diretso kulong. Pero ang truck operator na may kasalanan sa pagkamatay ng inosente dahil sa depektibong sasakyan, kadalasan lusot. Ang tanong: bakit mas mabigat ang parusa sa mahirap kaysa sa may-ari nang malalaking truck na pumapatay sa kalsada?
Kung may namatay dahil sa kapabayaan ng truck na pinabiyahe kahit alam na sira o bulok, dapat tratuhin itong krimen—hindi simpleng aksidente. Hindi sapat ang multa. Hindi sapat ang abuloy. Buhay ang nawala, at buhay at kalayaan din ng responsable ang dapat isakripisyo.
Hanggang hindi tinatamaan ng mas mabigat na parusa ang mga operator at driver na nagpapaandar ng bulok na truck, tuloy-tuloy lang ang patayan sa kalsada. Ang resulta: mga pamilya ng biktima ang habang buhay na nagdurusa, habang ang mga may-ari ng truck ay tuloy-tuloy ang kita na parang walang nangyari.
Sobra na. Kung bulok, huwag ipabiyahe. Kung pumalya at may namatay, managot ng buong bigat ng batas. Ang palusot na “nawalan ng preno” ay hindi na dapat tinatanggap, dahil hindi ito aksidente kundi sistematikong kapabayaan na may kaakibat na dugo ng inosente.
Disclaimer: Ang opinyong ito ay panawagan para sa pananagutan at hustisya laban sa sistematikong kapabayaan. Hindi ito tumutukoy sa anumang partikular na indibidwal, kumpanya, o kasalukuyang kaso. Layunin nitong magmulat at hamunin ang mga may kapangyarihan na tiyakin ang kaligtasan ng publiko.
- Latest















