PNP at DepEd, umaksiyon vs school bullying!
DAHIL sa ayaw lang niyang manigarilyo, isang 15-year old na estudyante ang binugbog ng dalawa n’yang kapwa esyudyante sa loob ng compound ng eskuwelahan sa Basilan. May nakakuha ng video at nag-viral sa social media. Kaya hindi nag-aksaya ng panahon sina PNP chief Gen. Nicolas Torre III at DepEd Sec. Sonny Angara para imbestigahan ang insidente at gumawa ng kaukulang aksiyon para maiwasan na itong mangyari sa iba pang eskuwelahan. Iginiit ni Torre na nakatuon ang attention ng PNP sa child protection at binigyan n’ya ng kahalagahan ang pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno upang sugpuin na ang school bullying.
“The safety of our children will always be a priority for the PNP. We will never tolerate any form of abuse or violence, especially in schools—places that should be safe for every student. Bullying isn’t just a school issue; it concerns all of us,” ani Torre. Dapat lang talagang mahinto na itong school bullying, di ba mga kosa? Pinasalamatan ni Torre ang nag-share ng video sa social media na naging daan para maagang umaksyon ang PNP. “The PNP stands firm in its commitment to intervene, protect, and educate—so that no child suffers in silence,” aniya.
Sa ngayon, inihanda na ng pulisya ang kaukulang dokumento upang masampahan ng kaso ang dalawang suspects. Nagsagawa rin ng final site inspection ang Isabela PNP, kasama ang complainant, barangay officials, at ang City Social Welfare and Development Office para tuldukan na ang imbestigasyon. Hindi na pumasok sa eskuwela ang dalawang suspects, na kapwa may behavioral problem. Subalit natunton sila ng pulisya at kasalukuyang nasa custody ng Children in Conflict with the Law (CICL) center, bilang compliance sa Juvenile Justice and Welfare Act.
Ayon sa report ng PRO9, ang insidente ay nangyari sa loob ng Basilan National High School sa Isabela City, malapit sa toilet ng eskuwelahan, noong June 26. Pinilit umano ng mga suspects ang biktima na manigarilyo subalit tinanggihan ito ng huli. Dahil dito, sinuntok, sinipa at iniuntog pa ng mga suspects ang ulo ng biktima sa sementong dingding. Ang isa sa mga suspects ay naglabas pa ng kutsilyo at tinangkang saksakin ang biktima.
Ang biktima ay dinala sa isang ospital sa Isabela City subalit inilipat ito sa Zamboanga City bunga sa mga tinamong sugat at sakit sa katawan. Hehehe! Ang sakit sa bangs nito! Dahil sinamahan niya ang kanyang anak sa ospital, hindi kaagad nakakuha ng medico-legal certification ang pamilya ng biktima kaya nakapag-file sila ng formal complaint nitong July 4. Hindi naman nagkulang ang pamunuan ng eskuwelahan dahil nag-submit din sila ng video ng insidente at inireport ang school bullying sa pulisya noong June 30. Ang mga magulang at guardian ng mga biktima at suspects ay inimbitahan ng pulisya sa isang case conference batay sa alituntunin ng Dep-Ed Child’s Protection Policy.
Sa tulong ng DSWD at ng eskuwelahan, nagsagawa ng counseling services para sa biktima at intervention programs naman sa mga suspects. Kaya sa mga bully d’yan, itigil n’yo na ang kapangahasan n’yo at handa si Torre at Dep-Ed na tugisin at parusahan kayo. Abangan!
- Latest

















