‘Anting’ (Part 2)
“SAAN daw bang lugar sa Bundok Putol nakita ng lolo mo ang agimat, Benjie?’’ tanong sa akin ni Larry. Patungo na kami sa bundok ng Lunes Santo na iyon para maghanap ng anting.
“Hindi sinabi Larry. Maski ang tatay ko, hindi rin alam kung saan nakita—basta ang sinabi ay sa Bundok Putol.”
“Ang lawak ng Bundok Putol, Larry,’’ sabi ni Totoy. “Baka tapos na ang Semana Santa ay hindi pa natin nagagalugad ang bundok.”
“Pero may binanggit daw na palatandaan si Lolo Amboy na natandaan ni Tatay.”
“Ano ‘yun?’’ tanong ni Larry.
“May malaking puno raw ng balete sa di kalayuan kung saan nakuha ang anting na triyanggulo.”
“E marami namang puno ng balete sa bundok,’’ sabi ni Totoy.
“Oo nga, Benjie, paano ‘yun?” tanong ni Larry.
“Napakalaki raw puno ng balete na kayang yakapin ng sampung tao— ‘yun daw ang pinakamalaki sa Bundok Putol!”
“E dapat pala, ang punong balete muna ang hanapin natin,’’ sabi ni Totoy.
“Mabuti pa,’’ sabi ko. “Kapag nakita natin ang higanteng balete, tiyak na malapit na roon ang kinaroroonan ng anting na triyanggulo.”
“Tayo na,’’ yaya nina Totoy at Larry.
Lumakad na kami.
Makaraan ang dalawang oras na paglalakad, narating namin ang paanan ng bundok. Pagod na kami sa paglalakad.
Nagpahinga muna kami. Mahirap ang aakyatin naming bundok. Parang gusto ko nang sumuko. (Itutuloy)
- Latest